TURISMO, BALIKBAYAN AT HALALANG 2022

TURISMO, BALIKBAYAN AT HALALANG 2022

February 15, 2022 @ 2:10 PM 4 months ago


NAGSIMULA nang tumanggap ang Pilipinas ng mga dayuhang turista, lalo na mula sa visa free countries, habang malaya namang makabalik-bayan ang lahat mga Pinoy saanman sila manggaling.

Kasama sa 34 visa free countries ang 10 bumubuo ng Southeast Asia, Taiwan, Singapore, Hong Kong, Hainan Province ng China at Mongolia sa Asya; Gambia, Rwanda, at Morocco sa Africa; Israel at Palestine sa Gitnang Silangan; Kazakhstan sa Europa; at Brazil, Ecuador, Bolivia at Colombia sa South America.

Simple lang ang mga batayang rekisitos.

Dapat may sapat na bakuna at negatibo sa COVID-1 test sa pinanggalingang bansa ang mga ito.

Magandang makipag-ugnayan muna ang mga darating sa mga kaukulang opisina ng pamahalaan sa loob at labas ng Pilipinas para sa malinaw na mga patakaran at maiwasan ang pagdadala o pagkalat ng pandemya.

HALALANG 2022

Milyong tao na ang kumikilos para sa kampanya ng mga politiko kaugnay ng halalang Mayo 9, 2022.

May mga maliitan at malakihang grupo at namamasyal ang mga ito kahit saang sulok ng bansa.

Habang ang mga nasyunal na kandidato sa pagka-Pangulo, Pangalawang Pangulo, senador at party list ang umiikot sa buong Pilipinas, umiikot na rin maging ang mga lokal na kandidato at galamay ng mga nasyunal na politiko.

COVID-19

Libo pa rin ang kaso ng coronavirus disease-19 sa Pilipinas at hindi dapat na maliitin ang nasa 3,000 tinatamaan sa mga araw na ito, bukod sa halos 100,000 na napatunayang nagkasakit at nagpapagaling.

Hindi pa kasama rito ang mga natatagpuang positibo ngunit wala sa listahan ng Department of Health.

Kaunti na lamang ang kaso ng mabagsik at nakamamatay na Delta variant at orig na virus ng pandemya.

Subalit hindi dapat na maliitin ang Omicron variant at ang anak nito na malaganap na sa Pilipinas dahil nakamamatay rin ito.

Tatandaan na sa United States, libo-libo pa rin ang namamatay araw-araw kahit sinasabing Omicron variant na ang namamayaning sakit dito.

MGA SUPERSPREADER

Libo-libo na ang mga Pinoy na umuuwi sa Pinas mula sa US at iba pang bansa na sinasalakay ng COVID-19.

Sa pagbukas natin ng turismo, ganito rin ang kalagayan ng mga dayuhan darating.

Ngayon naman, tanggapin man natin o hindi, tiyak na may dalang COVID-19 ang marami sa mga umiikot para mangampanya sa pulitika.

Sa ibang salita, mga Bro, may posibilidad na magiging superspreader ang lahat ng kasali sa pagbabalik-bayan, turismo, pamumulitika.

Sana naman, sumunod ang lahat sa pinaiiral na minimum public health standard gaya ng pagsusuot ng face mask, social distancing, paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa mga kulob na lugar at iba pa.

Dapat ding sumali ang lahat sa pagbabakuna lalo’t hindi pa sapat ang bilang ng mga nabakunahan upang mabawasan nang malaki ang hawaan sa virus.

Aanhin nga ba ang pagbabalik-bayan, turismo at pamumulitika kung magiging mitsa mga ito ng maramihang pagkakasakit at kamatayan at muling pagtigil ng buhay ng bansa na nagbubunga rin ng malawakang paghihirap?

Kasama na rin sa mga dapat isaalang-alang ang nasa 27 milyong kabataang mag-aaral na maaaring mapahamak kung hindi tayo mag-ingat.