Turista nahulihan ng P5.7M marijuana sa Kalinga

Turista nahulihan ng P5.7M marijuana sa Kalinga

December 2, 2022 @ 6:38 PM 2 months ago


TINGLAYAN, KALINGA – Hindi na nakapalag ang isang turista na sangkot sa pagbibiyahe ng halos P5.7 milyon halaga ng bloke-blokeng marijuana mula sa Tinglayan, Kalinga.

Pansamantalang hindi muna pinangalanan ang suspek na naninirahan sa Pacac, Agbannawag, Tabuk City.

Nakatakas umano ang suspek mula sa isinagawang checkpoint operation ng kapulisan sa Dinakan, Lubuagan, Kalinga kung kaya’t agad nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba para maharang ito.

Inabandona na lamang ng suspek ang kanyang dalang Toyota Rush na sasakyan sa Cagaluan, Pasil, Kalinga kasama ang nasa P5.7 milyon halaga ng marijuana sa loob nito.

Kalauna’y natunton din sa hot pursuit operation ng kapulisan ang suspek.

Nakumpiska sa likurang bahagi ng inabandonang sasakyan ang tatlong sako na naglalaman ng mga pinatuyong dahon at stalks ng marijuana sa tubular at bricks form na tumitimbang ng 48 kilo.

Ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng pinagsanib pwersa ng PDEA CAR sa pamunuan ni Regional Director Gil Cesar Castro, 2nd Kalinga PMFC, Pasil MPS, Lubuagan MPS, Tabuk CPS, PIU, PDEU, 1st KPMFC, Tinglayan MPS, RID, at RDEU PROCOR.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang hindi muna pinangalanan na suspek dahil sa patuloy ang pagsasagawa ng manhunt operation sa mga kasamahan nito. Rey Velasco