TV5 lumabag sa prangkisa sa ABS-CBN deal-Marcoleta

TV5 lumabag sa prangkisa sa ABS-CBN deal-Marcoleta

August 16, 2022 @ 11:23 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta na nilabag ng TV5 ang broadcasting franchise nito nang pumasok ito sa partnership agreement sa ABS-CBN.

Sa isang privilege speech, binanggit ng mambabatas ang Section 10 ng prangkisa ng TV5 na nagbabawal sa pagsasanib nito sa ibang kumpanya nang walang paunang pag-apruba ng Kongreso.

Kinumpirma noong Biyernes na nagbenta ang TV5 ng 35-percent stake sa network sa ABS-CBN sa halagang P2.16 billion.

Sinabi ni Marcoleta na ang pagbebenta ng mga stock ng TV5 ay parang paglilipat sa ABS-CBN ng mga karapatan at obligasyon nito sa ilalim ng prangkisa nito.

Tinanong niya kung maaaring gawin ito ng isang kumpanya kahit na hindi ito binigyan ng prangkisa ng Kongreso dahil sa mga paglabag at hindi pagbabayad ng mga obligasyon nito.

“I think the merger left a bad taste in the mouth. There were flagrant violations not only of the rules and laws but also the Constitution,” ani Marcoleta.

“I think even the Constitution was desecrated by ABS-CBN by violating the exclusive Filipino ownership and management of mass media by the issuance of what we called the Philippine Depositary Receipts,” dagdag pa ng mambabatas.

Ani Marcoleta na kailangan pang bayaran ng ABS-CBN ang  mga administrative charges laban dito na umabot sa humigit-kumulang P1.6 trilyon.

Nauna nang itinanggi ng ABS-CBN network na mayroon itong mga paglabag sa prangkisa. RNT