TWG puspusan sa pag-aayos sa bayad ng unpaid Saudi OFWs – DMW

TWG puspusan sa pag-aayos sa bayad ng unpaid Saudi OFWs – DMW

November 21, 2022 @ 6:51 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagtalaga na ang Pilipinas at Saudi Arabia ng joint technical working group (TWG) upang ayusin ang pamamahagi ng bayad ng mga unpaid salaries ng overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa nasabing bansa mula sa mga na-bankrupt na kompanya.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Department of Migrant Workers Undersecretary Patricia Yvonne Caunan na nabuo ang TWG matapos ang usapan nitong Setyembre sa pagitan ng ahensya at ng Ministry of Human Resources and Social Development ng Saudi.

“Mula noon linggo-linggo po nag-uusap ang joint TWG tungkol sa mga detalye in relation doon sa resumption of deployment,” ani Caunan.

Sa hanay ng bansa, ang TWG ay binubuo nina DMW Undersecretary Bernard Olalia, Department of Foreign Affairs (DFA)-Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs’ (OUMWA) chief Paul Cortez, at mga labor attaches mula Riyadh, Al Khobar, at Jeddah.

Sa hanay naman ng Saudi Arabia, kabilang dito sina MHRSD head Ahmed bin Sulaiman AlRajhi, Saudi delegation head Abdul Wahab at iba pa.

Kamakailan, matatandaan na nangako ang naturang bansa ng 2 billion riyals sa mga hindi pa nababayarang sahod ng nasa 10,000 OFWs na nawalan ng trabaho nang magdeklara ang mga kompanya ng pagkalugi sa nagdaang krisis noong 2015 o 2016. RNT/JGC