Twitter inireklamo sa planong mass layoff

Twitter inireklamo sa planong mass layoff

November 4, 2022 @ 6:29 PM 4 weeks ago


UNITED STATES – Sinampahan ng kaso ang Twitter Inc. sa plano ng bagong may-ari nito na si Elon Musk na magtanggal ng nasa 3,700 trabahador sa naturang social-media platform nang walang sapat na abiso sa mga ito.

Ang class-action lawsuit dahil sa paglabag sa umiiral na batas ng California ay inihain nitong Huwebes, Nobyembre 3 (oras sa Amerika) sa San Francisco federal court.

Matatandaang napabalita na binabalak ng Twitter na magbawas ng mga empleyado at inabisuhan ang mga ito sa pamamagitan ng email.

Ayon sa impormasyon, ito ay upang makatipid umano si Musk sa gastos ng kompanya.

Sa umiiral na federal Worker Adjustment and Retraining Notification Act, ipinagbabawal sa mga malalaking kompanya ang magsagawa ng mass layoff nang walang pa-abiso 60 araw bago ang takdang pagtatanggal.

Hindi pa nagbibigay ng tugon ang Twitter patungkol sa usaping ito.

“We filed this lawsuit tonight in an attempt the make sure that employees are aware that they should not sign away their rights and that they have an avenue for pursuing their rights,” ani Shannon Liss-Riordan, abugado na naghain ng reklamo.

Si Liss-Riordan ay nakapagkaso na rin sa Tesla Inc. sa kaparehong reklamo nitong Hunyo kung saan tinanggal din ni Musk ang 10% ng mga empleyado nito.

“We will now see if he is going to continue to thumb his nose at the laws of this country that protect employees,” dagdag pa ni Liss-Riordan na tila inuulit lang umano ni Musk ang ginawa noon ng Tesla. RNT/JGC