Manila, Philippines – Nananatili lakas na dala ng bagyong Maria habang papasok sa bansa na nagbabanta ng malakas na pag-ulan, sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa huling tala, namataan ang bagyo sa 1,820 kilometers silangang bahagi ng Northern Luzon dala ang lakas ng hangin na nasa 185 kilometers per hour at bugso na 225 kph.
Inaasahang papasok ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Maria, bibigyan ng pangalang ‘Gardo’, sa Lunes ng umaga kung ito ay patuloy na gagalaw sa bilis na 15 kph, sabi ni PAGASA meteorologist Aldczar Aurelio sa isang panayam.
Kahit na hindi tatama sa lupa, palalakasin pa rin ng bagyo ang habagat o ang southwest monsoon na magpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.
Nagbabala naman ang PAGASA sa mga residente ng Metro, Manila, Western Visayas, Mimaropa at sa mga probinsya ng Zambales, Batangas at Cavite, dahil ang habagat ay magbibigay ng manaka-nakang pag-ulan na maaring magdulot ng pagbaha at landslide.
Itinuturing na bilang super typhoon ng Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ang bagyong Maria, na kumikilos pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 15 kph. (Remate News Team)