UGNAYAN NG PINOYS SA BISA NG INTERNET

UGNAYAN NG PINOYS SA BISA NG INTERNET

November 9, 2022 @ 11:22 AM 3 weeks ago


SINABI ni Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan John Enrile Uy na kalahati ng populasyon ng Pilipinas ang walang internet.

Ginawa ni Sec. Uy ang pahayag nang maging panauhing pandangal ito ng Manila Divisoria Lions Club na pinamumunuan ni Lion Ramon Wong at nagdiwang ng ika-49 anibersaryo at ika-50 induction ceremonies sa Manila Hotel nitong nakaraang Linggo.

Klarong-klaro ito sa mga isla ng Pinas na malalayo sa mga lugar at walang nakatayong kompanya ng telepono at internet.

Ang resulta, dahil sa kawalan ng connectivity o ugnayan nila sa iba sa loob at labas ng bansa, sabi ni Sec. Uy, kalahati ng 110 milyong Pinoy ang hindi kasali sa mga plano at gawaing pagbabago at pagpapaunlad ng Pilipinas.

Lalo na kung iisipin na gumaganap ng napakahalagang papel ang internet para sa pagbabago at pagpapaunlad.

Paliwanag niya, maraming serbisyo at produkto na nasa kamay ng kalahati ng populasyon ng Pinas subalit hindi nalalaman at napakikinabangan ng iba dahil sa kawalan ng koneksyon sa internet ng maraming mamamayan sa bansa.

Kung may koneksyon man, sobrang bigat ang gastos na papasanin ng mga nangangailangan ng mga serbisyo at produkto dahil sa napakalalaking gastos sa transportasyon at pagkakaroon na rin ng mga middleman na mapagsamantala pa.

Ang pagtatatag umano ng connectivity o koneksyon ng lahat sa bisa ng internet ang isang malaking misyon ng pamahalaang Marcos at ito ngayon ay masusing ginagampanan ng DICT.

Naging matagumpay umano ang pagtatatag nila ng wifi connection sa isang isla sa Zamboanga at napakikinabangan na ito ng nasa 12,000 mamamayan sa isla.

Ang hindi gusto o hindi kayang pasukin ng mga komersyal na kompanya ng internet at telepono dahil sa kawalan ng kikitain o tubo at takot sa mga terorista ang siya ngayong isa sa mga pinagtutuunan ng atensyon ng DICT at pamahalaang Marcos.

Aba sa gawaing ‘yan, makaaasa ka nang pagbabago at pag-unlad ng lugar at ng bansa, makatutulong pa sa pagkamit ng kapayapaan.