UGNAYAN SA BARANGAY

UGNAYAN SA BARANGAY

November 9, 2022 @ 11:22 AM 4 weeks ago


ANG isang mabuting politiko o lingkod-bayan ay maituturing na mahusay na pinuno ng kanyang nasasakupang kung may pagkalinga siya sa mismong mamamayan.

Marami kasi sa mga lingkod-bayan ay mararamdaman o makikita lamang o lumalabas lamang ng kanyang opisina sa tuwing kampanyahan na lamang muli para mangampanya, mangumbinsi ng mga botante at siguruhang makakuha ng mga boto.

Datapwa’t sa amin sa probinsya ng Cavite ay ibang-iba ang aming “Ama ng lalawigan” na si Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Catibayan Remulla sapagkat nakikita o nararamdaman siya naming mga kababayan niya dahil sa kanyang programang “Ugnayan sa Barangay.”

Ang Ugnayan sa Barangay ay isang inter-aksyong programa ni Gob. Remulla na personal niyang nakikita at nakakasama ang kanyang mga kababayan sa isang masayang palatuntunan.

Dito ay inuulat din niya ang mga programa, proyekto at serbisyo ng kanyang pamamahala. Ito ay umiikot sa iba’t-ibang barangay sa bawat bayan sa pamamagitan ng clustering barangay kaya naman lahat ng barangay ay nakakasama rito.

Kasama ni Gob. Remulla ang kanyang bise gobernador at mga bokal na nasa ilalim ng distrito na kanyang pupuntahan at ganoon din ay naroroon ang alkalde, bise alkalde, mga konsehal ng bayan at kapitan ng barangay at konseho na pagdadausan ng Ugnayan sa Barangay.

Upang mas lalo pang masaya ay mayroon ding tugtugan at kantahan mula sa combo o banda na kanyang kasama at mayroon ding ipinamimigay na stub o ticket para sa cash raffle mula sa pa premyong mula P1,000 hanggang P10,000 na sadyang swerte sa sino mang mapapalad na mabubunot.

Mas okay din kapag Christmas Season dahil espesyal ang Ugnayan sa Barangay ni Gob. Remulla dahil ito ay “Pamaskong Handog” na kasama na siguradong pamimigay ng kinilong bigas sa bawat may stub o ticket na hawak bukod pa sa pagiging kasali rin sa raffle.

Iyan ang aming Gobernador Jonvic Remulla na nakikita at nararamdaman naming mga Kabitenyo hindi lamang tuwing kampanyahan kundi sa buong panahon ng kanyang mahusay na panunungkulan.

Saludo sa iyo ang buong Cavite, Boss Gov. Pogi.

Mabuhay ka!