UK variant nasa 6 rehiyon na ng Pinas – DOH

UK variant nasa 6 rehiyon na ng Pinas – DOH

February 25, 2021 @ 6:46 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Nakarating na sa anim na rehiyon ng bansa ang UK variant ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa datos ng DOH, 62 na ang kabuuang kaso ng UK variant sa bansa.

Sa bilang na ito, 23 kaso ay mula sa Cordillera Administrative Region.

Natuklasan ang 18 nito sa Bontoc, Mountain Province, apat sa La Trinidad, Benguet at isa sa Sabangan sa Mountain Province.

Isa naman ang natuklasan sa Pasay City.

Nakapagtala rin ang tig-iisang kaso ang Tanauan, Batangas at San Mateo, Rizal at Liloan, Cebu.

Tig-isa rin ang natuklasan sa Impasugong, Bukidnon, New Bataan at Compostela, at sa Davao City.

Base sa tala ng kagawaran, 30 sa kabuuang bilang ng UK variant sa bansa ay mga balik-bayan at isa ang banyaga.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin tukoy kung saan nagsimula ang UK variant sa bansa.

Ayon pa sa DOH, hindi pa rin sapat ang ebidensya na may community transmission na sa bansa ng bagong variant ng COVID-19.

Target namang paigtingin ni Health Secretary Francisco Duque III ang kapasidad ng genome sequencing upang matukoy ang sitwasyon ng UK variant sa bansa. RNT/ELM


  •  
  •  
  •