Ukraine ‘di na ipagsisiksikan ang sarili sa NATO

Ukraine ‘di na ipagsisiksikan ang sarili sa NATO

March 9, 2022 @ 3:20 PM 4 months ago


Kyiv – Tumiklop na si Ukraine President Volodimyr Zelenski sa posisyon ni Russia President Vladimir Putin na huwag gawing bahagi ng North Treaty Atlantic Organization ang Ukraine.

Sinabi na rin nitong pupwedeng pag-usapan ng dalawang bansa ang kalagayan ng Luhansk at Donetsk na nagdeklara bilang hiwalay na mga bansa sa Ukraine.

Ayon kay Zelensky na pilit na isinasangkot o hinihilingan ng tulong ang NATO ukol sa pagpapadala nito ng mga armas at pwersa laban sa Russia, nakita nitong takot ang NATO sa Russia at ayaw nitong makipagkiskisan dito.

Tahasan ding sinasabi mismo ng United States na hindi ito makikialam sa giyerang Russia at Ukraine dahil hindi miyembro ng NATO ang Ukraine.

Sa halip, nagsasagawa ito ng mga pagharang sa mga negosyong Ruso para maparalisa lamang ang Russia.

Hindi naman malinaw kung babaguhin na rin ng Ukraine ang Saligang Batas nito at maliwanag na lalamanin nito ang hindi pagkakaroon ng armas nukleyar na pupwedeng ilagay ng United States o ilang kaalyado nito na may armas nukleyar gaya ng United Kingdom at France.

Matatandaan ding nasa sakop Ukraine ang Chernobyl nuclear plant at Zaporizhzhia nuclear power plant na ngayo’y hawak ng mga pwersang Ruso sa kasalukuyang giyera ngunit pupwedeng pagawaan ng mga sangkap para sa bombang nukleyar ng Ukraine. Fred Cabalbag