Ukraine war, Taiwan tensions ugat ng pagkaantala ng paghahatid ng balikbayan boxes

Ukraine war, Taiwan tensions ugat ng pagkaantala ng paghahatid ng balikbayan boxes

November 14, 2022 @ 10:56 AM 3 weeks ago


DUBAI, United Arab Emirates – Sanhi ng pagkaantala sa delivery ng balikbayan boxes para sa Pasko ang pagsakop ng Russia sa Ukraine at tensyon sa Taiwan kamakailan, ayon sa pinuno ng cargo forwarders sa bansa, at ipinaliwanag na kailangang mag-reroute ng shipping companies sa ibang transshipment points para sa isyung pangkaligtasan. 

“Before, it used to take up to 30 days for the cargo to arrive in Manila. Now it’s 45 [days],” pahayag ni Allan Michael Bautista, chairman ng 14-member League of Freight Forwarders (LFF).

Inilahad ni Bautista na posibleng umabot ng hanggang 60 araw ang deliveries sa Visayas at Mindanao.

“Marami sa mga import-export routes, nagkaloko-loko dahil sa giyera [sa Ukraine.] ‘Yung mga traditional routes, may mga re-routing na nangyayari. Nagko-cause ito ng added delays dahil nagkakaroon ng choke points,” paliwanag ni Bautista.

Inihayag din ni Bautista further na walang direct sea route mula sa Middle East patungo sa Pilipinas. “There are transshipment points,” at idinagdag na kabilang dito ang Singapore, Kuala Lumpur sa Malaysia, Kaohsiung sa Taiwan at Hong Kong.

“Nililiko talaga nila (shipping companies) kapag na-forecast nila na maaaring ma-endanger ang shipment and personnel,” aniya.

Nilaktawan din ng shipping companies ang Kaohsiung sa gitna ng tensyon sa pagitan ng China, Taiwan at ng United States kasunod ng pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan nitong Agosto.

Iginiit ni Michelle Guinto, pinuno ng business development at managing director ng CMG Cargo, isang forex eship company, na re-routing ang tanging alternatibo.

“Pabago-bago ang transshipment port,” pahayag niya. “Kung saan maluwag in terms of security threats, doon sila pumupunta, so apektado ang arrival date sa Pilipinas.”

Mas pinalala pa umano ito ng pagsikip sa ports tuwing sasapit ang Kapaskuhan, kung kailan ang shipment ng care boxes, hindi lamang sa Pilipinas, ay nasa peak.

Sinabi ni Bautista na kailangan ding i-reload ang cargoes mula sa malalaking ocean vessels sa maliliit na feeder vessels. “Mga feeder vessels lang nakakapasok sa bansa natin,” aniya. RNT/SA