Ukrainian fighters sa Mariupol sumuko na sa mga Ruso

Ukrainian fighters sa Mariupol sumuko na sa mga Ruso

May 17, 2022 @ 2:39 PM 1 month ago


KYIV – Sumuko na sa pwersang Russia ang Azov battalion ng Ukrainian Army sa Mariupol, Ukraine na mabangis na nakikipaglaban sa una sa giyerang Russia-Ukraine sa loob ng halos tatlong buwan.

Nasa 261 sundalo mula sa nasabing batalyon  ang lumabas at nasa 53 rito ang nasa seryosong kalagayan ngunit dinala sila lahat sa mga bayan ng kontrolado ng mga Ruso at taga-Donbas Region.

Hindi pa malaman kung may natitira pang iba sa loob ng pabrika ng bakal na may mga underground bunker na pinagtaguan ng mga nasabing sundalo habang lumalaban.

Ayon kay Defense Deputy Minister Anna Malyar, gagamitin ang mga prisoner of war na ito bilang pamalit-ulo sa mga Ruso na nahuli naman ng Ukrainian military sa iba’t ibang lugar ng nasabing bansa.

Sinabi pa ng mga awtoridad na sila mismo ang nagpasuko sa mga sundalo na tinatawag na pwersang Nazi upang maligtas ang mga ito sa kamatayan.

Matatandaang makaraang matalo ang batalyong ito sa malawak na lugar ng Mariupol, umatras ang mga ito at nagkampo sa Azovstal Steel Plant na pinakamalaking pagawaan ng bakal sa Europa.

Mahalaga para sa Russia ang Mariupol dahil ito ang magdurugtong ng Crimea at Donbas region na okupado na ng Russia, bukod sa ito ang isa sa pinakamayamang lugar ng Ukraine dahil sa pabrika ng bakal at may pinakamagandang pier para sa mga barkong komersyal at militar. RNT