Ukranian refugees welcome sa Pinas; $100,000 ayuda ipinangako

Ukranian refugees welcome sa Pinas; $100,000 ayuda ipinangako

April 8, 2022 @ 8:47 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Handa na ang Pilipinas na tanggapin ang Ukrainian refugees bilang resulta ng pananakop ng Russia sa kanilang bansa.

Ito ang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa idinaos na 30 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Ukraine.

Ayon sa DFA, “in keeping with its long tradition of providing humanitarian assistance, the Philippines stands ready to welcome Ukrainians seeking refuge from the war in their country.”

“The Philippines pledged US$100K contribution to the UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs’ Humanitarian Flash Appeal for Ukraine,” ayon pa rin sa departamento.

Matatandaang noong Pebrero 28, nagpalabas si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng isang executive order na naglalayong “institutionalizing access to protection services for refugees, stateless persons, and asylum seekers.”

Sa ilalim ng EO, ang Refugees and Stateless Persons Protection Unit ng Department of Justice ay inatasan na suriin at iproseso ang mga pahayag ng refugee o ang stateless status.

Noon namang Marso 3, sinabini Justice Secretary Menardo Guevarra na wala pang Ukrainian citizen ang naghahangad ng asylum sa Pilipinas.

Pebrero ng taong kasalukuyan nang magsimula nang umatake ang Russia sa Ukraine matapos ianunsiyo ni Russian President Vladimir Putin na maglulunsad ito ng “special military operation” sa nasabing bansa.

Kasunod ng pahayag ni Putin ay nagkaroon ng mga pagsabog sa mga siyudad sa Ukraine kabilang ang Kharkiv sa eastern Ukraine at sa Kyiv na kapital ng bansa.

Kinumpirma rin ng Ukrainian foreign minister na naglunsad na si Putin ng isang “full-scale invasion of Ukraine”.

Ang deklarasyon ay nangyari habang nagaganap ang isang special session ng United Nation Security Council sa New York tungkol sa krisis sa Ukraine.

Sinabi ni Putin na layunin ng militar ng Russia ang “demilitarization at denazification” at hindi ang pananakop. Nais din ni Putin na isuko ng Ukraine ang kanilang armas o maging responsable sa pagdanak ng dugo.

Ilang buwan nang umiiral ang tensiyon sa Ukraine na tumindi nga­yong linggo matapos ang talumpati ni Putin na itinatanggi ang statehood ng Ukraine.

Mas naging mainit si Putin matapos ang paulit-ulit na babala ng Amerika na ang mas malawak na pananakop ng Russia ay hindi maiiwasan na sinundan ng sanctions ng Amerika at mga kakamping bansa sa Europa. Kris Jose