Ulat na nawawalang P7B pondo sa ayuda, pinatututukan ni Imee sa DSWD

Ulat na nawawalang P7B pondo sa ayuda, pinatututukan ni Imee sa DSWD

October 13, 2022 @ 8:17 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Imee Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magsagawa ng follow-up investigation sa di-umano ay nawawalang P7 bilyon halaga ng government emergency cash aid na inilipat sa isang service provider.

“Unfortunately, ‘yung experience natin sa DSWD sa digitalization has not been very smooth. Starpay Corporation became quite notorious because until today there’s almost P7 billion missing from the P50 billion originally allocated,” pahayag ni Senador Marcos kasabay ng pagdinig ng Senate Committee on Finance sa proposed P194.63 bilyon 2023 budget ng ahensya.

“Malaki-laki siya e at hindi natin maintindihan yung refund na ‘to pagkalaki-laki. So we’re still looking to investigate. Maybe, we can ask the secretary, meron bang in-house investigation tungkol sa Starpay kasi yung refunds constitutes P6.97 billion until today,” dagdag pa niya.

Sagot naman ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, ang insidenteng ito ay nangyari bago pa ang kanyang termino.

Nangako naman umano ang dating pamunuan ng DSWD na iimbestigahan ang usaping ito at magpapasa ng ulat sa Senado sa 18th Congress.

“I will do that immediately, that investigation that you are asking. Give me a couple of weeks and I will give you a report ASAP,” paninigurado ni Tulfo.

Matatandaan noon pa ay kinakalampag na ng ilang Senador kabilang na si dating senador Manny Pacquiao ang pagpalya ng DSWD na ipamigay ang bilyon halaga ng pondo sa ilalim ng social amelioration program noong kasagsagan ng pandemya.

Agad naman nilinaw ng dating pamunuan ng DSWD na walang nawawalang pondo sa disbursement ng financial aid at sinabing nai-refund ng Starpay ang nasabing halaga.

Ganito rin ang sinabi ng Starpay at sinabing naibalik na nila ang nasabing P8.239 bilyon pondo sa pamamagitan ng ilang mga cheke na ibinigay nila sa Land Bank account ng DSWD. RNT/JGC