MANILA, Philippines- Nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kamakailang ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa outstanding accounts receivables na halagang P2.328 bilyon.
Ayon sa PAGCOR, mula sa P2.328 bilyon, ang P815.902 milyong na nakasaad sa ulat na nasa ilalim ng protesta ay naresolba na nang may finality.
Sa P1.512 bilyon na nananatiling hindi nakolekta, karamihan sa nasabing halaga ay nauugnay sa kamakailang epekto ng pandemya ng Covid-19. Matatandaan na noong Marso 21, 2020, lahat ng POGO gaming operations sa bansa ay ipinag-utos na isara ng Gobyerno dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Noong June 2022, sa kabila na pinayagan nang mag-resume ng operasyon, karamihan sa mga operators ay hindi pa rin makapagbukas dahil sa umiiral na lockdowns, paghihigpit sa business operations, pagbabawal sa pagpasok ng foreign workers at iba pang pandemic measures.
Ayon pa sa PAGCOR, sa kabila ng mga remedial measures, karamihan sa mga POGO ay hindi na nakapagbukas muli mula nang magsimula ang pandemya, na nagresulta sa pag-iipon ng mga hindi nakolektang bayarin.
Sa huli,dapat bigyang-diin na ang mga POGO na kasalukuyang nagpapatakbo ay kinakailangang ganap na bayaran ang kanilang mga naipon na atraso bago sila payagang ipagpatuloy ang operasyon.