“ULUPONG” SA LIKOD NG LAGUNA PD

“ULUPONG” SA LIKOD NG LAGUNA PD

October 8, 2022 @ 1:36 AM 2 months ago


MAGALING, matino at higit sa lahat very dedicated sa trabaho kung isalarawan sa Philippine National Police headquarters itong si PCol. Randy Glen Silvio, Police Provincial Office director ng Laguna.

Sa katunayan, napakaraming awards ang natanggap ni Silvio mula sa iba’t ibang pamunuan ng PNP at pribadong sektor bilang pagkilala sa kanyang naging accomplishments.

Sa mahigit 25 taon sa serbisyo, walang bahid-dungis ang pagiging public servant ni Silvio na humawak nang iba’t ibang assignment na maayos niyang naisakatuparan.

Dahil senior officer, idagdag mo pa ang malinis na police record, huwag lang malasin ay tiyak na hindi magtatagal ay bababa na sa balikat ang hinahangad na “bituin” ng butihin colonel.

Ayon sa mga nakakuwentuhan ng Chokepoint na Camp Crame officials, ang matalagang provincial director ay inaasam ng bawat police senior officer.

Masarap maging PD, pero may kaakibat din namang malaking responsibilidad at minsan kasabay na malas
dahil sa katarantaduhan ng mga tauhan o kaya’y mga ginagamit na police asset. Ang pagkakamali kasi ng mga babanggit ay isinisisi sa kalaunan sa PD.

Kaya babala ng mga nakausap nating Crame officials kay Col. Silvio – kumuha ng mga taong maaasahan na higit sa lahat ay mapagkakatiwalaang subordinates.

Pero huli na yata ang ‘warning’ ng naturang Crame officials dahil may isang tauhan si Silvio na ang ginagawa’y kasiraan ng kanyang imahe at liderato.

Marami ang nagpaparatang na “ulupong” ang isang Sgt. Corpuz dahil sinisira nito ang magandang imahe at pangalan ni Silvio at ang masakit pati pangalan ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin ay damay.

Dapat ay kumilos na si Silvio upang huwag mawala ang ningning ng kanyang pangalan dahil lang sa isang Sgt Corpuz.
Putulin na ang sungay ng pulis na ito na sisira sa imahe ng PNP at mismong malinis na pangalan ni Silvio.