Umento sa pensyon ng maralitang seniors isusulong ni Eleazar

Umento sa pensyon ng maralitang seniors isusulong ni Eleazar

April 25, 2022 @ 5:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Balak ni senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na dagdagan ang pensyon ng maralitang senior citizens kapag pinalad na manalo sa parating na halalan.

Naniniwala si Eleazar na dahil sa pagtaas ng presyo ng mga serbisyo’t bilihin ay kailangan nang dagdagan ang pensyon para matulungan ang matatanda na kunin ang mga pangangailangan, lalo na ang mga gamot.

“Kung ako ay palaring makaupo sa Senado, isa sa magiging prayoridad ko ang kapakanan ng ating mga senior citizens at kasama na nga dito ang pagtaas ng kanilang pension kada buwan. Marami sa ating mga lolo at lola ay dito na lamang umaasa sa kanilang pension para makabili ng kanilang mga gamot. Tumataas ang bilihin pero hindi ang kanilang pension kaya’t ito ang ating isusulong sa Senado,” ani Eleazar.

“Malinaw na hindi sapat ang pension ng mga senior citizen ngayon kung ikukumpara sa laki rin ng gastos nila lalo na sa aspetong medikal. Malaking tulong sa kanila, maging sa kanilang pamilya, kung madadagdagan ang kanilang pension kada buwan,” aniya pa.

Sa kasalukuyan ay tumatanggap ang mga senior citizen ng di bababa sa P500 na buwanang pensyon.

Bukod sa balak na itaas ang pensyon, plano rin ni Eleazar na papagbutihin pa ang health services sa mga barangay, para din sa mga senior citizen.

“Dapat ilapit sa ating mga lolo at lola ang mga serbisyong medikal upang hindi na sila bumiyahe pa sa malalayong ospital para magpatingin sa doktor o magpagamot. Kailangan ng mas maayos na access para sa kanilang pangangailangang medikal upang hindi na sila mahirapan pa,” aniya.

Ayon pa sa retired police general, bukas siya sa pagbibigay ng mas maraming trabaho sa mga nakatatanda kung nais pa nilang magtrabaho.

“Hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa trabaho dahil lamang sa edad. Kung kaya pa naman nila, hahayaan natin silang tahakin ang karerang gusto nila,” ani Eleazar. Jan Sinocruz