Umento sa sahod iprayoridad kaysa Maharlika fund bill-Risa

Umento sa sahod iprayoridad kaysa Maharlika fund bill-Risa

December 8, 2022 @ 6:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Risa Hontiveros sa gobyerno na mas mainam na pagbigyan ang hirit na dagdag o pagsasaayos sa sahod para matugunan ang mataas na inflation rate na umakyat sa 8% noong Nobyembre kaysa pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng Maharlika Wealth Fund.

Sinabi ni Hontiveros na partikular niyang sinusuportahan ang panawagan para sa pagtaas ng sahod gaya ng nakapaloob sa 5-Point Labor Agenda na itinutulak ng Nagkaisa Labor Coalition at United Labor at nangakong magtrabaho para sa mga reporma sa mga mekanismo ng pagsasaayos sa sahod sa Senado.

“Ngayong papalapit na ang Pasko, sana naman ay mapakinggan na ang hiling ng mga manggagawa na umento sa sahod, ani Risa. “Ang patuloy na pagtaas ng inflation, ngunit wala namang pagtaas sa sweldo ay lalong nagbabaon sa ating mga kababayan sa kahirapan,” dagdag pa ng senadora.

Sinabi ng senador na hindi dapat dalhin ang mga manggagawa sa bigat ng paglaban sa mga krisis sa ekonomiya sa lahat ng dako. Ang gobyerno, aniya, ay dapat maghanap ng mekanismo upang maiwasan ang karagdagang pagguho ng kapangyarihang bumili ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mataas na inflation rate sa mga pangunahing gastusin sa bahay.

“Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagtatatag ng Maharlika Fund na maaari pang makabawas sa pondo ng manggagawa sa SSS at GSIS, mas importanteng mabawi ang halagang nawala sa kanila at siguruduhin na abot-kaya ang presyo ng pagkain, kuryente at tubig,” giit pa niya. RNT