UMENTUHAN ANG MGA NURSE

UMENTUHAN ANG MGA NURSE

January 25, 2022 @ 10:14 AM 8 months ago


SAKALI mang hindi pa maliwanag, bibigyang-diin ng kolum na ito na ang lahat ng nurse sa mga pampublikong ospital at pasilidad ay dapat na kumikita ng pinakamababa na ang P35,097 kada buwan.

Shout-out ito sa lahat ng pampublikong ospital at health care facilities na pinangangasiwaan ng gobyerno at ng mga pamahalaang lokal.

Noong Enero 2020, nilagdaan ni Pangulong Duterte at tuluyang naging batas ang Republic Act 11466 (Salary Standardization Law 5), na nagtaas sa kompensasyon ng nasa Nurse 1 category sa Salary Grade 15 mula sa Salary Grade 11.

Alinsunod sa compensation schedule ng bagong batas na ito, P41,172 (SG 16) ang dapat na buwanang suweldo ng mga may posisyong Nurse II; P44,833 (SG 17) para sa Nurse III; P55,268 (SG 19) para sa Nurse IV; P61,937 (SG 20) para sa Nurse V; P77,801 (SG 22) para sa Nurse VI; at P99,020 (SG 24) para sa Nurse VII.

Bagama’t ang mga ospital ng gobyerno, tulad ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ay tumatalima sa bagong SSL 5, napag-alaman ng Firing Line na ilang prominenteng medical centers ang patuloy na nambabalewala sa implementasyon ng bagong batas kahit pa iniaatas ito ng Malacañang at ng Department of Health. Ganitong impormasyon din ang nakarating kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, na pinangalanan ang Veterans Medical Memorial Center sa North Avenue, Q.C. bilang isa sa mga ito.

Para sa akin, isang kasalanang mortal ang paghintayin at paasahin ang mga kawawa nating nurse, lalo na iyong mga nagtitiis sa sitwasyon ng mga hindi maayos na pagamutan sa mga LGU, kung kailan nila matatanggap ang umentong itinakda ng batas para sa kanila.

Mahalaga ring mabanggit na kahit pa aprubado na ito bilang batas, kahiya-hiyang tinangka pa ng Department of Budget and Management na balewalain ang intensyon ng batas na itaas ang sahod ng nurses sa bansa.

Ipinagpaliban nito ang promotion ng mga nurse na ilang taon nang nagsisilbi sa gobyerno upang hindi umabot ang mga ito sa Nurse II status.

Ang iba namang Nurse II na ay ibinalik sa Nurse I sa bisa ng DBM Circular 2020-4 na ipinalabas noong Hulyo 2020. Sa bisa ng circular, hiniling pa ng DBM na tanggalin ang posisyong Nurse VII, na natural lang na magde-demote o magpapababa sa posisyon ng maraming nurses upang mapanatili ang suweldo ng mga ito sa antas bago pa naisabatas ang SSL 5.

Buti naman at kumilos ang Malacañang, nagpalabas ng memorandum order si Executive Secretary Salvador Medialdea Hunyo ng nakalipas na taon upang baligtarin ang mga demotion na isinusulong ng DBM. Pero ‘eto ang siste: maraming nurses ang hindi pa rin natatanggap ang kanilang umento dahil sa pagkakaroon ng limitadong budget, lalo na sa antas ng pamahalaang lokal.

Ngayong nagsimula na ang 2022 na may bagong budget para pondohan ang mga gastusin buong taon, tama lamang na tumalima na ang lahat ng pampublikong ospital at medical facilities sa bansa sa bagong salary schedule ng mga nurse.

Kasabay nito, ang mga nurse na buong tiyagang naghintay ay karapat-dapat lang na bayaran ng salary differential sa loob ng anim na buwan simula nang naging epektibo ang direktiba ni Medialdea noong Hunyo 1, 2021.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.