Umiskor ng shabu: resident doctor sa Gapo, timbog sa buy bust

Umiskor ng shabu: resident doctor sa Gapo, timbog sa buy bust

July 18, 2018 @ 3:03 PM 4 years ago


 

Olongapo City – Arestado ng City Drug Enforcement Unit at Intelligence Branch ng Olongapo City Police Office (OCPO) ang isang doktor sa inilatag na drug buy bust operation sa naturang lungsod kamakalawa ng madaling araw.

Bukod kay Dr. Carlos Bustamante III, dalawa pa sa kanyang kasamahan ang dinakip na nakilalang sina Alejandro Corum, alyas “Andrew” 24 anyos ng Barangay Sta. Rita, Olongapo City at Aries Delos Santos, 30, residente ng Manganvaca, Subic, Zambales.

 

Si Dr. Carlos Bustamante III, resident physician sa James L. Gordon Memorial Hospital habang kinukunan ng mug shot sa police station 1 makaraang hulihin sa pagbili nito ng shabu sa isang high value target na tulak ng ilegal na droga sa lungsod. (OCPO-PIO)

 

Ayon kay OCPO Director Sr. Supt. Melchor Baliuag Cabalza III, isinagawa ang operasyon sa mga suspek sa bahagi ng 1st Street Barangay New Asinan dakong alas 3 ng madaling araw, kung saan target ng pulisya ay si Corum na nasa drug watchlist at dating drug surrenderee.

Pero sa hudyat na dadakpin na sana ang mga suspek ay bigla namang sumulpot sa lugar si Bustamante kung saan nilapitan pa nito ang mga suspek at bumili ng shabu na nagkakahalaga ng P500.

Kumilos agad ang mga operatiba kung saan kasama na sa dinakip si Bustamante, na isang resident physician pala sa James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH).

Bukod sa .200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500 ay nakumpiska pa mula sa posesyon nina Corum ang labing walo pang plastic sachet na naglalaman ng shabu at nagkakahalaga ng P25,000.

Habang kay Bustamante naman ay ang nabili nitong shabu na nagkakahalaga ng P500.

Parehong sinampahan na sa City Prosecutors Office ng kasong paglabag sa RA 9165 o comprehensive dangerous drugs act ang dalawang target ng operasyon at ang duktor. (Jeff Gallos)