UN, GUGULATIN NI PBBM

UN, GUGULATIN NI PBBM

August 23, 2022 @ 11:21 AM 1 month ago


MULING magugulat at hahanga sa ating mga Pinoy ang sangkaterbang miyembro ng United Nations, kung saan inaasahang bibigyan ng puwang na makapagtalumpati ang ating bagong Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) sa September 20.

Pihadong tuloy na ito dahil ibinalita na nga ni Ambassador of the Philippines to the United States Jose Manuel “Babe” del Gallego Romualdez na marami sa UN members ang nagnanais na mapakinggan ang bagong Pinoy lider.

Marami na talagang Pinoy lider ang gumulat sa assembly na ito, gaya na lamang ng namayapang Pangulong Cory Aquino at maging ang dati nating Department of Foreign Affairs Secretary Carlos P. Romulo. Lalo na ang ama ni PBBM na ang namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Tulad nila, sasabak si PBBM na ipakita ang kanyang kakayahan sa pakikipagtalastasan. Pagtatalumpati na may kasamang pag-uulat kung ano ang mga nangyayari na sa kanyang bansa at paano ito makitutungo sa mga kaalyado at karatig na mga bansa.

Ang sabi ni Ambassador Romualdez, bukod sa inaabangan ng mga ibang lider ang talumpati ni PBBM, ay naghahangad din ang mga ito na makaharap mismo ang bagong Pangulo ng bansang Pilipinas.

Napatunayan na ito nang magbigay-pugay agad ang mga ambassador ng ibang bansa kay PBBM matapos itong makapanumpa bilang Pangulo. Malalaking bansa gaya ng Estados Unidos, China, France atbp. ang agarang nagpadala ng kanilang ambassador upang magpugay kay PBBM.

Sa UN iuulat na marahil ni PBBM ang nagawa ng bansa para makatawid sa pandemyang dulot ng COVID-19 kasama na ang mga hakbang na kanyang gagawin upang patuloy na labanan ito.

Sigurado akong sa mensahe ng Pangulo sa UN ay liliwanagin nito ang kakayahan ng mga Filipino na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa iba’t ibang bansa upang panatilihin ang kapayapaan sa buong mundo at paunlarin ang ekonomiya ng lahat.

Katiyakan ito na masasabi, ‘di lamang ni PBBM, na ang bansang Pilipinas ay talagang kabilang sa mundo at ang mga mamayan nito ay talagang maaasahan.

oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!