UN sa Pinas: Hustisya para sa mga biktima ng drug war, tiyakin

UN sa Pinas: Hustisya para sa mga biktima ng drug war, tiyakin

November 15, 2022 @ 11:56 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Dapat umaksyon ng pamahalaan ng Pilipinas upang protektahan ang karapatang-pantao at isulong ito, kabilang na ang pagtugon sa mga pagpatay sa war on drugs at pagtitiyak ng hustisya para sa mga biktima, ayon sa ilang member-nations ng United Nations Human Rights Council (UNHRC).

Inirekomenda ito ng UNHRC nitong Lunes sa Universal Periodic Review (UPR), na sumusuri sa human rights record ng mga bansa.

Nakibahagi ang Pilipinas sa proseso, at nagpadala ng delegasyon sa pamumuni ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sinabi sa body na hindi ipinagsasawalang-bahala ang impunity at naglalaan ang pamahalaan ng “democratic space” para sa mga aktibista sa bansa.

Ilang member-states ang nanawagan para sa solusyon ng mga kaso ng pagpatay at proteksyon ng human rights defenders.

Sinabi ng France na kailangang labanan ng kasalukuyang administrasyon ang impunity para sa mga nasa likod ng summary execution sa anti-drug campaign.

Inihayag naman ng Canada na kailangang tiyakin na makamtan ang hustisya para sa mga biktima ng drug war sa pamamagitan ng epektibong paglilitis.

Inirekomenda ng Belgium na kailangan ding aksyunan ng Pilipinas ang pagpatay sa mga mamamahayag.

Hinikayat din ng Australia ang Pilipinas na patuloy na makipag-ugnayan sa UN.

Inilahad ng Austria ang panghihinayang sa pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC) sa nakaraang administrasyon.  Nanawagan ito para sa amendment ng Anti Terrorism Act at pagpapatupad ng human rights defenders protection bill.

Sinabi ng Ireland na nababahala ito sa mga naiuulat na pinapaslang at mga nawawala.

“We also regret that since the last Universal Periodic Review, the Philippines has withdrawn from the ICC. We remind the Philippines of its obligation to cooperate with the prosecutor’s ongoing investigation into alleged international crimes commission and ensure access to justice to victims,” ayon sa kinatawan ng Ireland.

Pinuri naman ng China ang tagumpay ng Pilipinas sa pagprotekta at pagsusulong ng human rights.  Iginiit nito na dapat pagsikapan ng bansa ang pagpapalago sa ekonomiya “to provide a solid foundation for its people to enjoy all human rights.”

Hinikayat din ng member-states ang Pilipinas na tugunan ang karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata, itigil ang mga pagkawala, tutukan ang climate change, isulong ang kapakanan ng migrant workers at persons with disabilities, at tiyakin ang non-discrimination sa lahat ng kasarian.

Bilang tugon sa mga rekomendasyon ng ilang bansa, sinabi ni Remulla na nagbigay ang Pilipinas ng “enabling space” para sa civil society at human rights defenders. 

“We have a thriving, vibrant and participative democratic space,” giit niya.

Hinggil sa mga pagpatay, inihayag niya na nagsasagawa na ng mga reporma upang palakasin ang internal affairs arm ng national police na bibigyan ng kalayaan “to answer many questions about the impunity being talked about.”

Sinabi pa ni Remulla na tinututukan ng Marcos administration sa kampanya laban sa illegal drugs ang pagpigil sa kahirapan at rehabilitasyon.

“I assure everybody here that President Marcos is not inclined to restore the death penalty anytime in his term in office,” pagtitiyak pa niya. RNT/SA