UNAHIN ANG BAYAN KAYSA PAGIGING CHOOSY SA BAKUNA

UNAHIN ANG BAYAN KAYSA PAGIGING CHOOSY SA BAKUNA

March 5, 2021 @ 7:34 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

KINAKAILANGAN na magpabakuna tayo anoman ang mga dumarating na bakuna laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ito’y para maabot natin ang sinasabing herd immunity o bilang na 70 porsyento ng mahigit 105 milyong Pinoy.

At makalaya na tayo sa sobrang paghihirap, kagutuman at kawalan ng kinabukasan.

Nitong 2019 na hindi naman gaanong nagbago ngayong 2021, sinasabing 5.3 milyon ang senior citizens na 65 pataas ang edad; mahigit 64.2M ang edad 15-64 at 30.5M ang edad 0-14.

Kung pagsamahin natin ang mga 65-anyos pataas at 15-anyos hanggang 64, maglalaro tayo sa bilang na 70M tao.

Dahil bawal ang pagbabakuna sa 18-anyos pababa, maglalaro pa rin tayo sa 70M tao dahil kaunti lang naman ang maibabawas dito na mga nagkakaedad ng 15-18-anyos.

Ngayon, kung mababakunahan natin ang 70M, unang epekto nito ang kawalan ng hawaan sa pagitan ng 70M at mapipigilan na rin nang malaki ang hawaan nila  at ng mga menor-de-edad na maaaring nasa 40M.

‘Yan ang tinatawag na herd immunity.

PAGDATING NG MGA BAKUNA

Tingnan natin ang pagdating ng mga bakuna.

Unang dumating ang 600,000 doses ng Sinovac.

Kagabi, dumating ang AstraZeneca na 487,200 doses at susunod dito ang umano’y nasa 5 milyon na dose pero sa Mayo-Hunyo pa.

At may kondisyon ang World Health Organization sa AstraZeneca: Gagamitin lang ito para sa mga health worker at senior citizen.

Kapag may paglabag dito, baka hindi na raw itutuloy ng WHO ang pagpapadala.

Darating naman umano ang Pfizer pero sa Abril pa at nasa 117,000 doses lang.

Ang aktwal na ibabakuna ay ang pinagsamang Sinovac na 600,000 at AstraZeneca na 487,200.

Kung tig-isang dose ang ibabakuna sa mga Pinoy, 1,087,200 lang ang mababakunahan.

Sakaling darating ang Pfizer naman sa Abril, magiging 1,204,200 lang ang mababakunahan.

Napakaliit ang bilang ng mababakunahan hanggang sa buwan ng Abril at hindi natin matatamo ang herd immunity riyan.

PAGKAKAIBA NG SINOVAC AT ASTRAZENECA

Narito ang ilang pagkakaiba ng Sinovac na gawang China at AstraZeneca na gawang United Kingdom.

Ang AstraZeneca, 22, 60, 70 o 90 porsyento ang epekto nito laban sa COVID-19, depende kung paano nila isinagawa ang mga trial o pagsubok at kung sino ang nagre-report sa UK, Brazil at South Africa.

Pero sa European Medicines Agency, 60% lang ito epektibo.

Sa ulat naman ng Fierce Parma nitong Pebrero 17, 22% lang ang epekto nito na nakita ng US Food and Drug Administration at halos walang laban sa South African Variant.

Ibinasura na rin ang AstraZeneca ng South Africa dahil waepek ito sa South African variant at ipinamimigay na sa African Union na walang South African variant.

Ang Sinovac naman, may 50.4% sa mga high risk na health worker sa Brazil pero para lang sa 14 araw at hindi ito pinahinog sa 21 araw.

May epekto namang 65% sa Indonesia at 91% sa Turkey.

Ang Sinovac, para sa edad 19-59 lang habang edad 19 hanggang sa senior citizens ang AstraZeneca na hindi naman pinaniniwalaan sa Europe, maliban lang sa UK.

Bago pa man magbakuna ang UK nitong Disyembre, noong Hulyo 2020 ay ginagamit na ng China ang Sinovac at pinaniniwalaan itong isa sa mga dahilan kung bakit maagang nakontrol ang COVID-19 sa China sa milyon-milyong nabakunahan dito.

MGA MASAMANG EPEKTO AT KAMATAYAN

Ang adverse effect o masamang reaksyon ng mga nababakunahan?

Sa South Korea, may 63-anyos na nagkalagnat at nagkaroon ng lason sa dugo at pneumonia at may 50-anyos na nagkaroon ng multiple heart attacks makaraan silang maturukan ng AstraZeneca nitong nagdaang mga araw lang.

Ang 63-anyos ay may cerebrovascular disease o pagdurugo sa utak at ang 50-anyos, may sakit sa puso bago naturukan at parehong namatay.

Nitong Pebrero 8, 2021, nakabilang na ang rights groups sa India ng 23 patay umano sa AstraZeneca pero katwiran ng gobyernong India, hindi konektado ang nasabing bakuna sa mga kamatayan kung nagaganap ito mga 4-10 araw makaraang maturukan ang mga namatay.

Dahil naman umano sa kawalan ng sapat na trial, lalo na sa matatanda at grabe umanong mga side effect na pilit namang itinutuwid ng AstraZeneca at UK, nire-reject ang bakunang ito ng maraming mamamayan at health worker sa European Union at iba pang bansang nasa Europe gaya ng Germany, France, Sweden, Austria, Hungary at iba pa.

At lalong ayaw nila ang bakuna sa balitang waepek ito sa South African variant na pumasok na sa Europa.

Ukol naman sa Sinovac, wala pa tayong naririnig na balitang may namatay sa mga bansang itinuturok na ito gaya ng Indonesia, Thailand, Brazil at iba pang mga bansa sa Africa at Gitnang Silangan o mga Arabong bansa.

Hindi natin alam kung sa dinami-rami ng bansang binibigyan nito ng donasyon, magkakaroon din ng patay makaraang mainiksyunan.

Wala pa ring nakaaalam kung epektibo ito o hindi laban sa dalawang uri ng South African variant.

HUWAG MAGING CHOOSY

Kung sobra-sobra sana ang bakuna, maaaring maging choosy tayo.

Pwede ring maging choosy tayo batay sa mga nalalaman nating mga ulat na adverse effects o masasamang bunga ng mga bakuna, kasama na ang mga kamatayan at kawalan ng bisa sa mga COVID variant.

Pwede rin tayong maging choosy batay sa karanasan sa ibang bansa gaya ng okey na Sinovac sa China at okey na AstraZeneca sa Uk.

Pwede ring batay ang pagiging choosy natin sa ginagawa ng ibang bansa na nire-reject ang Sinovac o ang AstraZeneca.

Pero paano naman kung sa Pinas ay talagang labis-labis ang kakulangan ng bakuna?

Katwiran ng lahat ng mga doktor, nurse at iba pa na nagpabakuna o sumusuporta sa Sinovac kung alin ang available, dapat ito ang tanggapin at ito ang pinakamabisa at pinakaligtas o best vaccine.

Dumaan din naman umano ang Sinovac at AstraZeneca sa pag-aprub ng ating Food and Drugs Administration at nangangahulugan ito ng pagiging ligtas at epektibo ng mga bakunang ito.

Ito ang mga kasalu-saludo na katwiran mula kina Philippine General Hospital (PGH) Director Gerardo “Dr Gap” Legaspi at Dr. Edsel Salvana; Tala Hospital chief Dr. Alfonso Victorino Famaran Jr.; deputy chief of clinical service sa Pasay City General Hospital Dr. John Victor de Gracia; head ng San Lazaro Hospital Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Unit Dr. Rontgene Solante at spokesman niyang si Dr. Ferdinand de Guzman; head of Cardiovascular Laboratory ng National Kidney and Transplant Institute Dr. Joseph Michael Jaro; Valenzuela City Medical Center Hospital Director Dr. Maria Estrella Litam at Internal Medicine Resident Dr. Aldrin Ramos; Ospital ng Muntinlupa Medical Director Dr. Edwin Dimatatac at East Avenue Medical Center Medical Center Chief Dr. Alfonso Nuñez III at Nurse Rosemarie Reyes.

Gayundin kina president and CEO of St. Luke’s Medical Center Dr. Art Dela Peña; Cardinal Santos Medical Center chief medical officer Dr. Zenaida Javier-Uy; human resources chief Maria Louzel Diaz; orthopedics department chair Dr. Edgar Eufemio; at internal medicine chief resident Dr. Sergie Fernandez; The Medical City, Pasig Acute and Critical Care Institute Director Dr. Jose Emmanuel Palo; Asian Hospital and Medical Center Chief Medical Officer Dr. Jose Acuin at lahat ng nasa 9,000 doktor, nurse, midwife, technician at iba pang health worker.

O magpabakuna na habang may bakuna at huwag maging choosy, alang-alang sa higit na nakararami at buong bansa na dapang-dapa na sa pandemya at para makabangon na tayo lahat sa pagkadarapa sa sobra-sobra nang krisis sa buhay.

Hindi natin dapat hayaang mapabilang tayo sa 582,000 nang tinamaan ng COVID-19 at 12,389 nasawi rito.


  •  
  •  
  •