Unang anibersaryo ng kamatayan ng Ama ng Las Piñas, ginunita

Unang anibersaryo ng kamatayan ng Ama ng Las Piñas, ginunita

August 21, 2022 @ 12:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ginunita ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang unang anibersaryo ng pagkamatay na tinaguriang “Ama ng Las Piñas” na si dating Mayor Vergel “Nene” Aguilar nitong Agosto 20.

Bukod sa paggunita ng pagkamatay ni Aguilar ay binigyang ala-ala din ng lokal na pamahalaan ang mga magagandang bagay na nagawa ng namayapang alkalde sa loob ng 18 taon.

Sa opisyal na Facebook page ng Las Piñas Public Information Office (PIO) ay nakasaad na ang namayapang dating mayor ay kinikilala bilang “Ama ng Las Piñas” dahil sa kanyang makaamang pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng lungsod city at pinangunahan ang ilang programa sa larangan ng edukasyon at sustainable development sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pangmatrikula at livelihood training.

Sa panahon din niya nakamit ang pagpoproklama ng lungsod bilang isa sa pinakamaayos ng pamamahala sa lungsod na ipinagkaloob ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Finance (DOF).

Tumanggap din ang lungsod sa kanyang kapanahunan ng United Nations Award for Environmental Protection.

Matatandaan na si Mayor Nene ay namatay dahil sa sakit sa puso sa St. Luke’s Medical Center, Global City, Taguig sa edad na 74.

Ang kasalukuyang alkalde ng Las Piñas ay ang kanyang kabiyak na si Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na nagpapatuloy ng mga serbisyong sinimulan ng kanyang asawang namayapa na si Nene. James I. Catapusan