Unang araw ng implementasyon ng Alert Level 3 sa MM, organisado – Abalos

Unang araw ng implementasyon ng Alert Level 3 sa MM, organisado – Abalos

October 16, 2021 @ 4:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Maayos at organisado ang unang araw ng implementasyon ng Alert Level 3 sa Kalakhang Maynila.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos na ino-obserbahan nila ngayon ang pagsisimula ng Alert Level sa MM dahil nakatutok pa rin sila sa mga paghihigpit lalo na sa mga kaso ng COVID-19.

“Of course ‘yung mga naka-mask ‘no, iyong mga minimum health protocols ‘no. Napakaimportante po nito,” ayon kay Abalos.

Sa kabilang dako, magkakaroon ng unified guidelines ang lahat ng bayan sa Metro Manila para masiguro na nakasusunod sa protocols ang mga binuksang business establishment lalo na’t baka dagsain ngayon ang mga malls dahil payday weekend.

“Well ganito po ‘yan ano, ang treatment natin sa Metro Manila hindi po tayo kaniya-kaniya ‘no, napagkasunduan po ng mga mayors ng Metro Manila na maski na sa klasipikasyon ng mga pilot noong araw na kung dati kung tutuusin mo ay it could be Alert 4 sa iba, Alert 3 sa iba – mas minabuti naming iisang alert lamang ang buong NCR sapagkat we have very porous borders,” ayon kay Abalos.

“Ibig sabihin nasa kabilang city ka kaagad wala pang limang minuto, tabi-tabi tayo,” dagdag na pahayag nito.

At nakita naman aniya nila na mas mabuti kung ang lahat ng mga ordinansiya gaya ng patungkol sa curfew, Undas at major policies ay unified. Kris Jose