Unang araw ng local absentee voting, maayos – Comelec

Unang araw ng local absentee voting, maayos – Comelec

April 28, 2022 @ 11:20 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naging maayos ang pagsisimula ng tatlong-araw na local absentee voting (LAV), na tatakbo mula Abril 27 hanggang Abril 30, ani Commission on Elections Commissioner George Garcia nitong Miyerkules.

“Sobrang naging maayos naman po ang pagsisimula ng botohan para sa local absentee voting. Hindi naman po sila ganoon kadami mga 84,000 lang po more or less. Pero just the same po talagang nakita natin ang init ng pagtanggap lalong-lalo na ‘yung mga nasa Armed Forces, PNP, at kapatid sa pamamahayag,” ani Garcia sa isang interbyu.

Ayon sa Comelec, nasa 84,357 na botante ang pinayagang maka-avail ng LAV.

Gayunpaman, ang mga aplikasyon ng 9,341 indibidwal ay hindi naaprubahan dahil sila ay hindi nakarehistro o na-deactivate.

Sinabi ng Comelec na may kabuuang 93,698 military, police, government at media personnel ang nag-apply para sa LAV para sa 2022 elections.

Manual na boboto ang LAV para sa mga pambansang posisyon: presidente, bise presidente, senador at party-list.

“Kasi dahil ang eleksyon lamang ay national positions, yung mga makina kasi natin ay naka-program para sa national and local elections. At the same time dahil hindi naman po ganoon kadami at hindi naman sabay-sabay ang pagboto nila kasi tatlong araw silang boboto, so hindi po tulad sa computerized election na isang buong araw,” paliwanag ni Garcia.

Ang mga boto ng LAV ay i-canvass sa Comelec main office sa Intramuros, Manila, matapos magsara ang mga polling precinct noong Mayo 9 sa alas-7 ng gabi. RNT