Unang araw ng ‘no vax, no ride’ naging maayos —PNP

Unang araw ng ‘no vax, no ride’ naging maayos —PNP

January 18, 2022 @ 10:06 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na naging maayos ang implementasyon sa unang araw ng “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa National Capital Region, nitong Lunes.

Kinumpirma ito ni PNP spokesperson Police Colonel Roderick Alba sa isang radio interbyu at sinabing wala namang hindi magandang pangyayari na naitala sa pagpapatupad nito.

“Nagpapasalamat tayo sa ating kababayan na naging maayos ang unang araw ng implementasyon,” mensahe niya.

Muling ipinaalala ni Alba na ngayong linggo tanging “warning phase” pa lang ang ipatutupad, at sa susunod na linggo na mas maghihigipit.

Sa kabilang banda, ipinahayag naman ni Alba ang nagiging hamon sa kapulisan sa pagsusuri ng COVID-19 vaccination cards dahil iba-iba ang mga inilalabas na itsura at security features nito depende sa lokal na gobyerno.

“Ito ay challenge din sa ating kapulisan because LGUs have different security features na nakalagay doon sa kanilang ini-issue na vaccination cards,” paliwanag niya pa.

Bineberipika pa umano ng PNP ang itsura ng ilang mga vaccination card sa ilang mga LGU.

Dahil dito hinihikayat niya ang gobyerno na magkaroon ng iisang itsura ng vaccination card. RNT