Unang araw ng pamamahagi ng DSWD ng educational assistance dinagsa!

Unang araw ng pamamahagi ng DSWD ng educational assistance dinagsa!

August 20, 2022 @ 9:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mahabang pila ng mga estudyante at kanilang mga magulang ang nasa labas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado sa pagsisimula ng ahensya na mamahagi ng educational assistance.

Ilang estudyante na nakapila sa DSWD Central Office sa Batasan Complex, Quezon City, ang nagsabing alas-5 pa lamang ng hapon nitong Biyernes ay naroon na sila upang makaabot sa cutoff, base sa ulat.

Sa sobrang haba ng pila ay umabot na ito sa Batasan-San Mateo Road.

 Sa Kalibo, Aklan naman, mahaba rin ang pila ng mga benepisyaryo sa labas ng DSWD office, ayon pa sa ulat. 

Daan-daang benepisyaryo ang pumila rin sa DSWD Region XI office sa Davao City.

Inanunsyo ni DSWD Secretary Erwin Tulfo nitong Huwebes na mamamahagi ang ahensya ng financial assistance sa indigent students tuwing Sabado hanggang Setyembre 24.

Sinabi ni Tulfo na mamimigay ang DSWD ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 para sa high school students, P3,000 para sa senior high school students, at P4,000 para sa college students o vocational courses.

Aniya, pwede hanggang tatlong benepisyaryo kada pamilya.

Kinakailangan lamang magdala ng enrollment certificate at ng school ID.

Ayon pa kay Tulfo, ang mga magulang ng elementary at high school students ay pwedeng makakuha ng benepisyo kahit hindi nila kasama ang kanilang mga anak na nag-aaral sa elementarya

Aniya, sinumang interesado ay kinakailangang kumuha ng appointment online o mag-walk in.

Naglaan ng P500 milyong budget para sa programa. RNT/SA