Unang Ginang sinorpresa ni PBBM sa kaarawan

Unang Ginang sinorpresa ni PBBM sa kaarawan

August 22, 2022 @ 1:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinorpresa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang asawa na si Unang Ginang Maria Louise “Liza” Araneta-Marcos na nagdiwang ng kanyang ika-63 taong kaarawan.

Sa kanyang  lingguhang BBM vlog na pinost, Lunes ng umaga, ibinahagi ni Pangulong Marcos kung paano ang kanyang pamilya, kaibigan at mga kasama ay nagtulong-tulong para maging matagumpay ang kanyang pa-sorpresang birthday dinner para sa kanyang asawa.

 “To my beloved wife, words have already been said as to how valuable she is as a person and how remarkable she really is. Sometimes it’s really hard to believe that she did me a favor of marrying me,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa nasabing birthday dinner.

Kinantahan naman ni Pangulong Marcos ang kanyang asawa ng “Never Let Her Slip Away” ni Andrew Gold.

Dumalo naman sa nasabing event ang tatlo nilang anak na si Ilocos Norte First District Representative Ferdinand Alexander “Sandro”, Joseph Simon, at William Vincent.

Samantala, si Araneta-Marcos ay ipinanganak noong Agosto 21, 1959 sa Maynila ng kanyang mga magulang na sina  Manuel Araneta Jr. at Milagros Cacho, ayon sa official website ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., www.pbbm.com.ph.

Nagtapos siya na may degree sa Interdisciplinary Studies noong 1981 at nagtamo ng Law degree noong 1985, kapwa sa Ateneo de Manila University sa Quezon City.

Noong  1989, nag-enroll siya sa post-graduate classes sa Criminal Procedure sa New York University. Sa New York niya unang nakilala si Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. na nag-aaral din doon ng mga panahon na iyon.

Ikinasal sila sa  San Francesco Convent sa Fiesole, Italy noong Abril  17, 1993.

Biniyayaan sila ng tatlong anak sa katauhan nina Norte First District Representative Ferdinand Alexander, Joseph Simon at William Vincent.

Siya ay founding partner ng MOST law firm (Marcos, Ochoa, Serapio & Tan), kung saan siya nagtrabaho mula  2006 hanggang Enero 2019, at sa  M & Associates law firm.

Siya ay part-time faculty member na magtuturo ng Criminal Law 1 sa West Visayas State University sa La Paz, Iloilo City ngayong school year.

Bilang First Lady, isusulong niya ang kanyang adbokasiya sa edukasyon, kultura at tradisyonal na “arts and crafts.” Kris Jose