Unang purong Pinoy pasok sa Pontifical Swiss Guard

Unang purong Pinoy pasok sa Pontifical Swiss Guard

August 5, 2022 @ 6:05 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Itinalaga ang kauna-unahang full-blooded Filipino sa hanay ng Pontifical Swiss Guard sa Vatican City.

Sinabi ni Fr. Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filippino, na pormal na sumali sa hanay ng guards si Sebastian Esai Eco Eviota, ayon sa datos mula sa liham mula kay Swiss Guard commander Christoph Graf na may petsang Enero 17, 2022.

“We are happy to see children of Filipinos incorporated into the Church and society abroad,”  aniya sa interbyu sa Church-run Radio Veritas.

Si Eviota, tubong Davao City ay aktibo na sa paglilingkod sa iba’t ibang ministeryo ng simbahan.

Binanggit ng paring Katoliko na ang pagkakasama ng mga Pilipino sa Swiss Guard ay patunay ng malawakang gawaing misyonero ng mga Pilipino bilang Kristiyano, lalo na’t ang Pilipinas ang pangatlo sa pinakamalaking bansa sa usapin ng bilang ng mga binyagang Katoliko na mahigit 80 milyon.

“As we begin the next 500 Years of Christianity in the Philippines, the service of those with Filipino roots in the Pontifical Swiss Guards and in the Vatican as a whole is yet another manifestation that indeed we are gifted to give of ourselves wherever God has called us to be,”  dagdag ni Gaston.

Si Eviota ang pangalawang Pilipino na napabilang sa Pontifical Swiss Guard pagkatapos ng Swiss-Filipino na si Vincent Lüthi.

Noong 2009, umalis si Eviota sa Pilipinas at pumunta sa Switzerland kung saan naging aktibo siya sa Youths for Christ (YFC) Europe at miyembro ng konseho ng English-speaking Roman Catholic Community ng Canton Berne.

Siya ay naging pangalawang tenyente ng Swiss Army pagkatapos ng dalawang taon ng pangunahing pagsasanay at nagsilbi sa Infantry 13th Battalion.

Ang Pontifical Swiss Guard ay isang minor armed force at honor guard unit na pinananatili ng Holy See na nagpoprotekta sa Papa at sa Apostolic Palace sa loob ng teritoryo ng Vatican City.

Itinatag noong 1506 sa ilalim ni Pope Julius II, ito ay kabilang sa mga pinakamatandang yunit ng militar sa patuloy na operasyon. RNT