Unang SONA ni Marcos, simple lang – House sec gen

Unang SONA ni Marcos, simple lang – House sec gen

July 19, 2022 @ 2:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi magiging magarbo ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 25.

“So far, they (Marcos camp) advised us to make it simple,” anunsyo ni House Secretary General Mark Mendoza nitong Martes.

“The President wants the SONA to be simple para makapagprepare po siya ng message po sa general public. So far iyon lang po, gusto lang ni Presidente maging simple ang SONA,”aniya, nang tanungin kung nagbigay si Marcos ng karagdagang direktiba para sa susunod na linggo.

Inilahad ni Mendoza na halos 1,300 panauhin ang inimbatahang dumalo sa unang SONA ni Marcos na isasagawa sa Batasang Pambansa sa Quezon City. Kinakailangang magpakita ng negatibong RT-PCR results para makapasok sa plenary hall.

Inaasahang dadalo ang mga mambabatas, miyembro ng Gabinete, diplomatic corps, at iba pang panauhin sa kaganapan.

Matatandaang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na mahigit 21,000 security forces ang ipakakalat sa Lunes upang tiyakin ang seguridad. RNT/SA