Unang teleICU system magagamit ng critically-ill COVID patient – DOH  

Unang teleICU system magagamit ng critically-ill COVID patient – DOH  

July 10, 2021 @ 11:39 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Magagamit na ang kauna-unahang  teleICU system  sa intensive care unit ng Quezon Medical Center sa Lucena City, Quezon.

Ito ay matapos na iturn-over ito  ng Department of Health (DOH) CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) sa pamunuan ng naturang ospital.

Sinabi ni dating Regional Director Eduardo C. Janairo bilang pangunahing panauhin  sa seremonya  na  isinulong niya ang proyekto upang protektahan din ang mga health care provider sa ICUs dahil sila ang nasa panganib na mahawaan ng virus at nalalantad sa mga critically-ill Covid patients.

 “We can lessen these risks and still provide optimal care while minimizing the risk of acquiring the virus infection and ensuring their health and safety,” ayon kay Janairo.

Sa pamamagitan aniya ng teleICU, mapamamahalaan  ang mga pasyente nang malayuan sa pamamagitan ng  intensive care team na susubaybayan sa mga pasyente na Covid sa mga ICU at magbibigay ng mga update sa kanilang katayuan sa kalusugan sa mga doktor ng masinsinang pangangalaga kahit nasa malayo upang makapaghatid din agad ng  napapanahon at mabisang serbisyong kritikal na pangangalaga

 Dagdag pa ni Janairo, maaring imonitor  ang mga pasyenteng critically ill sa ICU sa paglalagay nh lifestyle gnal patch sa dibdib ng pasyente ng limang araw.

 “It is a cardiovascular monitoring device that will record the patient’s temperature, respiration rate, ECG trace, heart rate and movement in real time.”

Ipapadala naman ang datos na makakalap ng lifesignal patch at ipapakita sa real time sa isang monitor.

Sakali aniyang  nagde-develop ng  sintomas ang pasyente,  ang naturang device at ang data platform  ang siyang mag-aalerto sa mga healthcare providers upang makapagsagawa ng kaukulang aksyon.

Ang  lifesignal patch aniya ay  disposable lamang at maaaring i-self-applied at  pinakahalaga ay  nakapagpapabawas rin  ito ng cross-contamination risk.

Nasa 600 lifesignal patches ang binili ng regional office na magagamit sa mga critically-ill COVID-19 patients na naka-admit sa Quezon Medical Center.

Sinabi naman ni OIC-Director Paula Paz M. Sydiongco na ang  tele-ICU project ay nakakatulong upang protektahan ang  health care providers at mapigilan ang pagtaas ng COVID infection sa  Quezon, partikular sa Lucena City na kamakailan ay isinailalim sa   modified enhanced community quarantine (MECQ).

Dagdag pa nito, magdedeploy ng apat pang tele-ICU systems na ilalagay naman sa San Juan Hospital sa Batangas, Laguna Medical Center at San Pablo City General Hospital sa Laguna gayundin sa  Southern Tagalog Regional Hospital sa Cavite.

“Our health workers are the lifeblood of our health care system. We need to keep our health workers safe to ensure an effective health care system keeping patients safe, relieving their suffering and saving their lives,”  diin ni Sydiongco.  (Jocelyn Tabangcura-Domenden)