Undas rules sa Munti, Taguig inilabas na rin

Undas rules sa Munti, Taguig inilabas na rin

October 27, 2022 @ 11:03 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sumunod na rin ang dalawang lungsod ng Muntinlupa at Taguig na maglabas ng kani-kanilang alituntunin para sa paggunita ng Undas sa susunod na linggo.
Sa Muntinlupa, makaraang pagbawalan ang pagpunta ng publiko sa mga sementeryo sa lungsod dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19 ay naging maluwag naman ang lokal na pamahalaan kung saan papayagan ang paglilinis, pagpipintura at pag-aayos ng nitso at puntod ng hanggang Biyernes (Oktubre 28).

Ang lahat ng pribado at pampublikong sementeryo sa lungsod ay magbubukas ng Oktubre 31 at Nobyembre 1 mula alas 6 ng umaga hanggang alas 6 ng gabi lamang at ang mga bibisita sa bawat sa puntod ay papayagan na magtagal ng hanggang tatlong oras lamang.

Hindi na rin papayagan ng lokal na pamahalaan ang paglilibing at cremation ng Oktubre 31 at Nobyembre 1 gayundin ang pag-oovernight stay at pagtitinda sa loob ng mga sementeryo sa lungsod.

Ipinagbabawal din ng lokal na pamahalaan ang pagdadala sa loob ng sementeryo ng alak, flammable materials, baril firearms at anumang matutulis na bagay tulad ng kutsilyo at cutters gayundin ang videoke o sound systems na magdudulot ng malakas na tunog.

Samantala, inihayag ng lokal na pamahalaan ng Taguig na kanilang bubuksan sa publiko mula Oktubre 29 ang 10 pampubliko at pribadong sementeryo kaugnay sa paggunita sa Undas.

Kasabay nito ay inilunsad sa Taguig ang “Oplan Undas 2022” na makapaniniguro sa kaligtasan ng mga taong bibisita sa mga sementeryo sa lungsod.

Pitong sementeryo ang bubuksan sa Taguig ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 mula alas 6 ng umaga hanggang alas 10 ng gabi na kinabibilangan ng Bagumbayan Catholic Cemetery, Imam Moh Kusin Memorial Park, Tipas Roman Catholic Cemetery, Hagonoy Catholic Cemetery, Taguig Public Cemetery, Tuktukan Cemetery, at ng Aglipay Cemetery.

Ang Heritage Park Fort Bonifacio ay mayroong iskedyul ng kanilang pagbubukas kung saan sa Oktubre 29 at 30 ay mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon; 8:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi sa Oktubre 31; mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi sa Nobyembre 1; at alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon naman sa Nobyembre 2.

Ang Garden of Memories Memorial Park and Chapels ay bukas ng alas 6:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi sa Oktubre 29 at 30; mula 6:00 ng umaga hanggang hatinggabi ng Oktubre 31 at Nobyembre 1; at alas 6:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa Nobyembre 2 habang ang mga columbarium naman ay bukas sa publiko ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 mula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 8:00 lamang ng gabi.

Bukas naman ang Libingan ng mga Bayani sa publiko mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2 ng alas 6:00 ng umaga na magtatagal ng hanggang alas 6:00 ng gabi lamang.

Kasabay nito ay ipinagbabawal din ng lokal na pamahalaan ang pagdadala at pag-inom ng alak sa mga sementeryo, paninigarilyo at vaping, pagdadala ng baril at matutulis na bagay tulad ng kutsilyo at cutters, pagpapatugtog ng malakas na musika at ang pagdadala ng mga makasusunog na bagay. (James I. Catapusan)