“UNHOLY ALLIANCE” NG DENR OFFICIALS at MINING FIRM SA ZAMBALES

“UNHOLY ALLIANCE” NG DENR OFFICIALS at MINING FIRM SA ZAMBALES

November 24, 2022 @ 1:00 AM 2 months ago


NAGING daan para kay Sen. Raffy Tulfo ang budget hearing para bigyang babala at paalalahanin na rin si Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga hinggil sa korapsyon sa Department of Environment and Natural Resources.

Sa lahat kasi ng mambabatas, si Tulfo ang masigasig na magtanong kay Yulo – Loyzaga dahil ang dating broadcaster ay maraming nalalaman sa DENR bunsod ng kanyang pagiging journalist.

Knowing Tulfo, wala siyang kinakatakutan – kahit sino ka pa, maging opisyal man ng pamahalaan ay hindi siya nangi-ngiming pagsabihan, kung ito ay kinakitaan niya ng pang-aabuso at pagba-luktot sa umiiral na batas.

Kilala sa pagiging mabusising mamamahayag na ang programa’y hitik sa sumbong at reklamo, maraming nadiskure Tulfo na kalokohan sa pamahalaan, isa rito ang katiwalian sa ahensiya ni Yulo – Loyzaga.

Sa pagdinig ng DENR budget, diretsang ipinamukha ni Tulfo sa kalihim ang katiwaliang nangyayari na ayon sa broadcaster – turned lawmaker ay involved ang matataas na opisyales, tulad ng undersecretary at assistant secretary.

Nagbiro pa nga si Tulfo nang hilingin sa kalihim na ipatanggal ang mga face mask ng kanyang mga kasama na nakaupo sa kanyang likuran dahil baka naroroon ang mga binanggit niyang korap na USEC at ASEC.

Sana’y nagising at tumatak kay Yulo – Loyzaga ang matapang na pagtatanong at pagbubulgar ni Sen. Tulfo sa mismong Senate budget hearing tungkol sa matagal nang nagaganap na kalokohan at katiwalian sa naturang departamento.

Bilang panimula sa gagawing imbestigasyon ukol sa rebelasyon ni Tulfo na korapsyon sa DENR suhestiyon natin sa kalihim na silipin ang umuugong na “unholy alliance” sa pagitan ng ilan niyang opisyal at mining firm sa Zambales.

Ang mining firm ay may ‘cease and desist order’ na inisyu ni environmental management bureau chief Engr. Cilliam Cuñado dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas na ipinatutupad ng ahensya subalit patuloy ang ginagawang pagmimina ng kompanya.

Kung bakit nakaka-pag-operate pa ang mining firm sa kabila ng ‘cease operation order’ ng DENR, yan ang “million question” na dapat busisiin ni Yulo – Loyzaga.