Unidentified floating object sa Pagasa, ‘di sapilitang kinuha ng Tsina

Unidentified floating object sa Pagasa, ‘di sapilitang kinuha ng Tsina

November 22, 2022 @ 9:32 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Itinanggi ng China ang ulat na sapilitan nilang pagkuhamula sa Philippine Navy ang lumutang na unidentified floating object na pinaniniwalaang “rocket debris” sa Pag-asa island nitong Linggo ng umaga.

Itinatwa rin nito ang ulat na pinutol ng kanilang coast guard ang towing line sa pagitan ng Philippine naval station team at nasabing unidentified floating object na natagpuan ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) na nakabase sa Pagasa Island.

Base sa naging pahayag ng tagapagsalita ng foreign ministry ng China, sinabi ng embahada na “At around 8:00 am on November 20 a China Coast Guard ship found an unidentified floating object in the waters off the Nansha Islands, which was later identified as the wreckage of the fairing of a rocket recently launched by China.”

“Before the China Coast Guard found the said floating object some Philippine Navy personnel already retrieved and towed it,” ayon pa rin sa embahada sabay sabing “After friendly consultation the Philippine side returned the floating object to the Chinese side on the spot.. The Chinese side expressed gratitude to the Philippine side. There was no so-called blocking of the course of a Philippine Navy boat and forcefully retrieving the object at the scene.”

Sa ulat, natagpuan ng mga tauhan ng Naval Station Emilio Liwanag (NSEL) na nakabase sa Pagasa Island ang isang lumulutang na bagay sa dagat malapit sa isla nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa AFP Western Command (Wescom), nilapitan ito ng mga tauhan ng Philippine Navy, itinali sa kanilang sasakyang pandagat at hinila pabalik sana sa Pagasa.

Pero hinarang sila ng barko ng China Coast Guard na may Bow Number na 5203.

Nag-deploy ng mas maliit na bangka, pinutol ang towing line at sapilitang kinuha ang lumulutang na bagay.

Sinabi naman ni AFP Wescom spokesperson Major Cherryl TIndog, katulad ito ng natagpuang metal debris sa Busuanga na pinaniniwalaang bahagi ng rocket ng China.

Tumagal aniya ng halos isang oras ang insidente sa pagitan ng Philippine Navy at China Coast Guard.

Wala namang nasaktan sa mga tauhan ng Philippine Navy dahil ipinatupad nila ang maximum tolerance.

“Maximum tolerance naman tayo sa ganun. Since, it’s unidentified, then not a matter of life or death naman ‘yung object, so nagdecide na lang ‘yung ating team na bumalik na lang sa NSEL,” ayon kay Tindog.

Hinayaan na rin aniya nila na makuha ang nasabing bagay at bumalik na sa naval station.

Samantala, inireport na ng Wescom ang nasabing insidente sa Task Force on the West Philippine Sea. Kris Jose