UNIOIL STATIONS SA QC, WALANG STOCK TUWING LUNES KAPAG MAY PRICE INCREASE NA MAGAGANAP  

UNIOIL STATIONS SA QC, WALANG STOCK TUWING LUNES KAPAG MAY PRICE INCREASE NA MAGAGANAP  

August 24, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


NARANASAN ng inyong lingkod na halos ikutin ang buong Quezon city nitong Lunes, August 22, at pinuntahan ang limang UNIOIL Petroleum station para magpakarga ng diesel pero lahat ay wala na daw stock kahit pasado alas otsohindi hindi pa lamang ng gabi. Ako lamang ba ang nakaranas nito o nangyari na rin ang ganito sa inyo?

 Dati ko pang napapansin ito pero ngayon lamang ako nagsalita. Kapag magkakaroon ng pagtaas sa presyo ay maagang nagpapatay ng ilaw ang UNIOIL at kahit maaga pa ay wala ng mabiling diesel o gasolina. Tapos, isa o dalawang tao lamang ang nagsisilbi sa isang istasyon kaya naman napakatagal at mabagal ng serbisyo, mahaba ang pila ng mga naghahabol sa lumang presyo. Pagod ka na sa trabaho, maghihintay ka pa ng napakatagal.  

 Sa mahal ng gasolina at diesel, ang bawat sentimo na itinaas nito kada litro ay mabigat sa bulsa ng kahit sino. Marami talaga ang umaaray. Kaya naman kapag may balita ng pagtaas sa media, asahan na ang paghahabol bago pa tumaas, para makatipid.  

 Ayaw naman sanang magbintang ng inyong lingkod pero ilang beses na kasi itong nangyayari sa akin. Sana naman ay nagkakamali ako ng hinala sa UNIOIL. Hindi naman sana sinasadya na sa tuwing magkakaroon ng price increase ay palaging walang stock, nagsasara o konti lamang ang tauhan. Mayroon na kasing pattern.  

Bilang mga konsyumer, karapatan namin na mapagsilbihan ng tama. Mahirap na nga ang buhay, huwag naman sanang samantalahin ng ilang kapitalista. Nagsasalita ako hindi lamang para sa aking interes kundi pati na rin sa iba pang motorista na tiyak ko ay nakararanas din ng ganitong “unfair treatment” mula sa mga oil companies katulad ng UNIOIL.

Nananawagan din tayo sa Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) na tingnan ang ganitong nakasanayan ng gawin ng mga oil companies, panlalamang na kasi ito sa mga konsyumer. Aasahan ko po ang magiging tugin dito ng DOE o ng sinumang nakakasakop na sangay ng pamahalaan.

 Bukas ang ating column para sa katugunan o paliwanag mula sa UNIOIL o sa DOE para dito sa kapansin-pansing modus ng ilang kumpanya ng langis. Bahagi ito ng pagsusulong natin ng patas na pamamahayag.