Unregistered SIM card, 133.6M pa

Unregistered SIM card, 133.6M pa

February 27, 2023 @ 12:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umabot na ang bilang ng registered Subscriber Identity Module (SIM) cards sa mahigit 35 milyon, subalit maliit na bilang lamang ito kumpara sa kabuuang unregistered SIMs na kasalukuyang nasa 133,643,043.

Inihayag ng National Telecommunications Commission (NTC), batay sa pinakabago nitong tally,  na mayroon nang 35,334,730 registered SIMs sa buong Pilipinas. Subalit, 20.91 porsyento lamang ito ng 170 milyong existing cards sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nakapagtala na ang Smart Communications Inc. ng 26.71 porsyentong registration. Nakakumpleto naman ng Globe Telecom ang 16.45 porsyentong registration, habang para sa Dito Telecommunity, umabot naman ito sa 20.74 porsyento. 

Sa kabila ng “slowdown” sa gitna ng tinatawag na “registration lull”, inihayag ng mga opisyal ng pamahalaan ang kumpiyansa nito na magiging matagumpay ang mandatory registration.

Nauna nang sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Lamentillo na patuloy ang assisted SIM registrations, partikular sa malalayong lugar, upang tulungan ang mga Pilipino na makasunod sa batas.

Matatapos ang rehistrasyon sa loob ng dalawang buwan– partikular sa April 26, 2023. Awtomatikong ide-deactivate ang unregistered SIMs alinsunod sa Republic Act No. 11934. RNT/SA