UNSOLICITED PROPOSAL SA GOV’T PROJECTS ISAAYOS

UNSOLICITED PROPOSAL SA GOV’T PROJECTS ISAAYOS

November 18, 2022 @ 11:38 AM 2 weeks ago


NAPAKAGANDA ang layunin ni Pangulong Ferdinang ‘Bongbong’ Marcos na baguhin o amyendahan ang Build-Operate-Transfer Law na sumasakop sa mga unsolicited proposal kaugnay ng mga prayoridad na proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng Public-Private Partnership.

Kaugnay na rin ito ng pagsusulong mismo ni Pang. Bongbong ng partisipasyon ng pribadong sektor sa 74 priority projects na nagkakahalaga ng P2.25 trilyon.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral, sa kasalukuyan, nasa 60 araw lamang ang inilalaan ng batas sa BOT para sa sinomang makipagpaligsahan o humamon sa isang panukalang pagtatayo ng isang proyektong nasa ilalim ng PPP.

Tinatawag na Swiss Challenge ang pakikipagpaligsahan o hamunan dito.

Bilang pagbabago, mga Bro, ipinanunukala nang gawing 180 araw o 6 na buwan ang palugit pero para sa mga mamalaking proyekto.

Gagawin na lamang ding 30 araw ang para sa mga maliliit na proyekto gaya ng pagtatayo ng palengke o terminal ng mga sasakyan.

Pero kung ano ang halaga ng proyekto na maituturing na simple at maliit, dapat klaruhin nang husto.

Halimbawa, maliit ba ang P25 milyong two-storey school building na may tig-apat na kwarto sa una at ikalawang palapag at libre ang lupa?

Maliit din ba ang isang 4-way na salubong ng mga sasakyan na overpass na nagkakahalaga ng P100 milyon?

Para naman sa mga malalaki ang 180 araw dahil sa daan-daang milyon o bilyon ang halaga na sangkot at sa pagiging komplikado ng mga ito.

At dito nga kailangan ang PPP dahil ang pondo ng pamahalaan ay sadyang tinatadtad para sa pangangailangan ng lahat ng 113M Pinoy at lumiliit ang pondo para sa imprastraktura.

Para matiyak at mabilis na magawa ang proyekto sa takdang oras, magandang haluan ito ng pondong pribado dahil ayaw na ayaw ng mga pribadong kompanya ang malugi sa mga ginagawang may halong kalokohan.

Ayaw nilang maging 10 o 15 taon ang paggawa ng proyektong dapat na gawin lamang sa loob ng 5-7 taon.

Pero dapat ding bantayan ang pagsasamantala gaya ng habambuhay na paniningil ng mga toll, halimbawa, sa mga superhighway na sa totoo lang umano, sa loob lang ng 5 taon, sulit na ang mga ito at tubo na ang lahat pagkatapos.

TAMA LANG

Sa totoo lang, kahit anong laki ng mga proyekto, batay sa karanasan, sa loob ng 5- 7 taon, tapos na ang mga ito.

Hindi dapat na magtagal ang mga ito gaya ng nangyari sa Camanava Flood Control Project na naisipang itayo noong 1997.

Pitong taon ang itinakda para makumpleto pero pwera ang 1988-1990 na panahon ng freasibility study na siyempre binadyetan na rin ng malaki ng gobyerno.

Nagsimula ang proyekto noong 1990 at dapat natapos ito noong 1997 pero nagkaroon ng ekstensyon hanggang 1999.

At nang dumating ang 2011, anak ng tokwa, 99.5 porsyentong kumpleto na umano pero pagdating ng 2012 at tag-ulan, nalunod ang mga dike at bumaha.

Punggok pala ang mga dike kaya kinailangang itaas ang mga ito at nang dumating ang  2013, sa awa ng butiki, hindi pa rin tapos.

Kita n’yo? Hehehe!