Unvaxxed individuals ‘di papapasukin sa mga sementeryo sa Iloilo City

Unvaxxed individuals ‘di papapasukin sa mga sementeryo sa Iloilo City

October 18, 2022 @ 5:36 PM 1 month ago


ILOILO CITY, Philippines – Tanging fully o partially vaccinated individuals lamang ang papapasukin sa mga sementeryo sa Iloilo City, memorial parks at columbaria mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, sa paggunita ng mga Pilipino sa All Souls’ Day at All Saints’ Day.

Ipinalabas ni Iloilo Mayor Jerry Treñas nitong Lunes ang Executive Order 085, series of 2022, na naglalatag sa health at public order protocols para sa holidaysna popular bilang “Undas.”

Mula alas-12 ng hatinggabi ng Oktubre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Nobyembre 2, itatalaga ang city teams sa mga entrances ng mga sementeryo upang suriin ang vaccination cards ng mga bisita, na kinakailangan ding magpakita ng identification card na may larawan. Parehas ang rekisitos para sa mga menor-de-edad at kinakailangang may kasamang nakatatanda.

Kahit na ipinatupad na ng national government ang optional face-mask wearing policy, ipinag-utos ni Treñas sa publiko na magsuot pa rin ng face masks sa loob ng mga sementeryo, kung saan karaniwang dumaragsa ang mga tao tuwing Undas.

Ipinagbabawal din sa EO ang mga sasakyan, alak, flammable material, baril at iba pang nakamamatay na armas, videoke machines o speakers, paglalaro ng baraha at iba gambling paraphernalia. Hindi rin papayagan ang overnight visits.

Inilatag din ni Treñas ang mga rekisitos para sa mga nagbebenta ng bulaklak kabilang ang barangay clearance, community tax certificate, vaccine cards at valid IDs, at ang special permit contract ng lungsod.

Kailangan ding maglagay ng mga nagtitinda ng anti-smoking sign mula sa city government, at mahigpit na ipatupad ang no drugs, no smoking, no drinking of alcohol rules. Kailangan din nilang magsuot ng face masks sa lahat ng oras at sumunod sa physical distancing. RNT/SA