UP, 4 pang SUCs ginisa ni Cayetano sa ‘di pagpapatupad ng full in-person classes

UP, 4 pang SUCs ginisa ni Cayetano sa ‘di pagpapatupad ng full in-person classes

September 28, 2022 @ 10:55 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ginisa ni Senador Pia Cayetano nitong Martes ang limang state universities and colleges (SUCs) kabilang ang University of the Philippines (UP) dahil sa sa hindi ganap na pagpapatupad ng in-person classes.

Sa pagdinig sa panukalang 2023 budget ng Commission on Higher Education (CHED) at SUCs, kinuwestiyon ng senador kung bakit nagsasagawa pa rin ng blended learning ang UP sa mga kampus nito kabilang ang UP Diliman sa Quezon City.

Sinabi ni UP President Danilo Concepcion na ito ay alinsunod sa mga regulasyon sa QC pero mismong pinasinungalingan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang claim ng UP base sa kumprimasyon ng senadora.

“Mr. President, sino ang liaison officer mo na nagco-coordinate kay Mayor Joy Belmonte? Because I sent Mayor Joy Belmonte a long message and asked her ‘is it true that QC still has health protocols for the conduct of classes because UP is still doing blended because of QC Covid protocols daw’? Sabi niya ‘Sen. Pia, this is not true,” ani Cayetano.

“Sino liaison officer mo because they’re wasting my time,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Concepcion sa senador na tatanungin niya ang pamahalaang lungsod tungkol sa patakaran.

“I don’t know about the text of Joy Belmonte. It is true that ‘di naman nila ipinagbabawal ang face-to-face. Pero sa aking pagkakaalam, ‘di pa nila nili-lift ang physical distancing doon sa loob ng kuwarto. So I have to call her and ask her kung ni-lift na ba nila ang physical distancing sa loob ng classroom,” sagot naman ni Concepcion.

Bagama’t bukas ang senadora sa mga pagbabago sa edukasyon, binalaan ni Cayetano ang UP na magsagawa ng face-to-face na mga klase upang masiguro ang kanilang badyet para sa susunod na taon.

“You want budget? Show me you’re making an effort to do the most basic — allow the students to have face-to-face classes. Show me you are making that effort. Because otherwise, I’ll focus my efforts where it is most appreciated,” ani Cayetano, na siyang chairperson of the subcommittee of the Senate Committee on Finance.

“I am very open to changes and innovations in the way we teach, in the way we educate, but we should not make COVID the reason, which is still the excuse being given when I see this 75 percent capacity or 50 percent capacity (classroom limitation),” dagdag na babala pa ng senadora.

Ang UP ay may panukalang badyet na P21.8 bilyon para sa 2023.

Bukod sa UP, ang iba pang unibersidad na hindi pa nagpapatuloy ng buong face-to-face classes ay ang Cagayan State University, Northern Iloilo State University, South Cotabato State College, at Mindanao State University.

Sinuspinde ng panel ng Senado ang pagdinig sa mga iminungkahing badyet.

Tinitingnan nito ang mga panukalang badyet ng Development Academy of the Philippines (P577 milyon), state universities and colleges (P93.3 bilyon), UP (P21.8 bilyon), at CHED (P30.7 bilyon). RNT