UP-DND Accord, gustong isabatas ni Villanueva

UP-DND Accord, gustong isabatas ni Villanueva

January 27, 2022 @ 11:29 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Joel Villanueva na nakatakda sa Senado ang institusyonalisasyon ang kasunduan sa pagitan ng Unibersidad ng Pilipinas at ng Department of National Defense (DND), isang taon pagkatapos ibasura ng DND ang naturang kasunduan.

Nag-sponsor noong Martes si Villanueva, chair ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ng
Senate Bill No. 2491 para ipasok ang UP-DND Accord sa charter ng unibersidad.

Ayon kay Villanueva, tungkulin ng Senado na protektahan ang kalayaan pang-akademiko o academic freedom sa bansa, at panatilihin itong buhay.

“Hindi po ito “Do Not Enter” na hinaharangan ang ating law enforcement agencies sa pagpasok sa mga campus. Hindi natin nais harangin nito ang pagpapatupad ng hustisya o pagsugpo ng krimen. Naglalatag lamang ito ng mga panuntunan sa koordinasyon ng mga law enforcement agency ng kanilang operasyon sa opisyales ng unibersidad,” sabi ni
Villanueva.

Inaamyendahan ng panukalang batas ang Republic Act No. 9500, o ang UP Charter, para dagdagan ng probisyon na nagbabawal sa militar at polisya na manghimasok sa mga UP campus maliban sa “cases of hot pursuit and similar occasions of emergency,” o depende sa pasya ng mga opisyales ng unibersidad para sa pagpapanatili ng seguridad at
peace and order.

Inaatasan din ng panukalang batas na magkoordina ang law enforcement agencies sa mga opisyales ng unibersidad sa paghatid ng warrant, pag-aresto, pagpapakulong, at mga imbestigasyon.

Binabawalan din nito ang paghadlang ng law enforcement agencies sa mga mapayapang protesta sa loob ng unibersidad, maging iyong ginaganap sa labas ng campus na pinapangunahan ng mga student organization ng UP.

“Makakamtan lang natin ang academic excellence sa isang mapayapang kaligiran. Hindi natin ito makakamtan kung ang ating pangunahing state university ay nagigipit sa presensya ng militar at kapulisan,” sabi ni Villanueva.

Pinapagtibay ng Senate Bill No. 2491, na akda rin ni Villanueva, ang 1989 UP-DND Accord na natatag pagkatapos dakpin, itortyur at pwersahang pinaamin sa pagpaslang sa isang US military officer ang isang tauhan ng Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng UP.

Kasama ni Villanueva ang kanyang mga kapwa senador na sina Grace Poe, Nancy Binay, Sonny Angara, Risa Hontiveros, Migz Zubiri, Kiko Pangilinan, Leila de Lima, at Ping Lacson bilang may-akda ng panukalang batas. Ernie Reyes