UP experts: Kasong COVID-19 dumarami, hawaan maliit lang

UP experts: Kasong COVID-19 dumarami, hawaan maliit lang

September 15, 2020 @ 6:46 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines-Sinabi ng University of the Philippines OCTA research team na dumarami ang biktima ng coronavirus disease-19 sa Pilipinas ngunit maliit lang ang nahahawa mula sa maysakit nito.

Sa pahayag ng nasabing team, wala pa sa bilang na 1 o 0.96 lang ang nahahawa sa kabila ng pagdami ng mga maysakit sa nakaraang apat na linggo.

Paliwanag ng team, upang masabing humuhupa ang pandemya, kailangang maliit sa bilang na 1 ang nahahawaan at lumalala naman ang pandemya kung mahigit sa 1 ang nahahawaan.

Ayon sa Department of Health, may kabuuan nang 265,888 kaso sa Philippines kahapon na kinabibilangan ng halos 54,000 aktibong kaso, mahigit 200,000 gumaling at mahigit 4,600 patay.

Sa National Capital Region na may pinakamaraming biktima, sinabi ng team na lumiit pa ang hawaan sa 0.92 mula sa 0.94 kahit dumarami ang kaso rito sa nakalipas na pitong araw.

Lumiliit din ang mga nagpopositibo sa sakit noong Setyembre 7-13 sa 11 porsyento kumpara 16% noong Agosto 10-16 at malapit umano ito sa target na 10% at lumiit na rin ang bilang ng mga naoospital na kritikal kaya dumami ang lugar para sa maysakit.

Magkagayunman, mahigit naman sa 1 ang hawaan sa mga lalawigan ng Cavite, Batangas, Rizal at Bulacan kaya itinuturing ang mga ito na “high-risk areas” at malapit din sa antas-kritikal ang kalagayan ng mga ospital

Sa Negros Occidental, humuhupa na rin ang pandemya.

Sa kabuuan, inihayag ng team ang mga sumusunod na lugar na dumarami ang tinatamaan ng sakit sa nakalipas na linggo: Rizal, Cavite, Batangas, Bulacan, Bataan, Tarlac, Zambales, Benguet, Pangasinan,  La Union, Cagayan, Isabela, Oriental Mindoro, Palawan, Agusan del Norte, Cotabato City, Maguindanao, Misamis Oriental at South Cotabato.

Wala namang gaanong malalaking pagbabago sa NCR, Bacolod City at Laguna.

Upang humupa ang COVID-19, inirekomenda ng team na dapat maging maingat sa pagsubaybay ang mga kinauukulan at magpalaki ng kapasidad ng mga ospital.

Dapat din umanong magpairal ang mga awtoridad ng agresibo at epektibong lokal na lockdown at mahigpit na pagkontrol sa galaw ng mga tao sa pagitan ng iba’t ibang lugar.

Dapat din umanong isagawa lagi ang testing, contact tracing, paghihiwalay at panggagamot sa mga maysakit bukod sa pagpapairal ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at personal protective equipment at iba pang patakarang pangkalusugan.

Hindi rin sinasang-ayunan ng team ang Department of Transportation sa pagpapaliit ng social distancing sa mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan mula sa isang metro sa .75 metro lamang sa pangambang magiging sanhi ito ng paglaki ng bilang ng hawaan. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...