UP star Malick Diouf tinanghal na UAAP MVP

UP star Malick Diouf tinanghal na UAAP MVP

December 15, 2022 @ 3:19 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Itinanghal si Malick Diouf bilang Most Valuable Player ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament.

Pormal na iginawad sa University of the Philippines (UP) center ang parangal noong Miyerkules ng gabi bago ang Game 2 ng championship series laban sa Ateneo sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Si Diouf, isang 6-foot-11 Senegalese national, ay nakakuha ng kabuuang 73.9 statistical points, na tinalo si Forthsky Padrigao, na may 71.6, para sa nangungunang indibidwal na premyo.

“I just want to say thank you for this blessing,” ani Diouf, na nag-average ng 10.8 points, 10.9 rebounds, 2.9 assists, 1.6 blocks, at 1.5 steals noong elimination round.

Kasama sina Diouf at Padrigao sa Mythical Five ang kapwa Fighting Maroon ni Diouf na si Carl Tamayo, kapwa Blue Eagle ni Padrigao na si Dave Ildefonso, at UE Red Warrior na si Luis Villegas.

Sa kabilang banda, si Kevin Quiambao ng La Salle ay ginawaran ng Rookie of the Year.

Si Quiambao, na naging Gilas Pilipinas mainstay bago pa man magsimula ang kanyang collegiate career, ay tinalo sina Kean Baclaan ng National University at Gani Stevens ng UE para sa top freshman award.