UP system, PGH tinapyasan ng pondo sa 2023

UP system, PGH tinapyasan ng pondo sa 2023

August 23, 2022 @ 9:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines — Tinapyasan ng halos P2.5 bilyon ang panukalang 2023 budget para sa University of the Philippines (UP) system, ayon sa National Expenditures Program (NEP) mula sa executive branch.

Ang mga kopya ng NEP na na-upload sa website ng Department of Budget and Management (DBM) noong Lunes ay nagpakita na sa ilalim ng Volume I na sumasaklaw sa state universities and colleges (SUCs), ang UP system ay nakakakuha ng panukalang P23.10 bilyong pondo para sa 2023.

Mas mababa ito sa P25.60 bilyon na kasama sa 2022 budget.

Pero bukod pa diyan, bumaba rin ng P893 milyon ang proposed budget para sa Philippine General Hospital sa ilalim ng UP system.

Habang hindi nagbago ang probisyon para sa mga medical indigents, na nanatili sa P518.2 milyon, ang Hospital Services Program ay bumaba mula P6.305 bilyon noong 2022 hanggang P5.412 bilyon lamang noong 2023.

Nauna rito, matapos na pormal na matanggap ng House of Representatives ang panukalang 2023 national budget mula kay Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, sinabi ng kalihim na gustong tutukan ng administrasyon ang edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at food security — alinsunod sa mga patakaran ni Marcos.

Tumaas ang badyet ng sektor ng edukasyon mula P788.5 bilyon noong 2022 hanggang P852.8 bilyon noong 2023; kalusugan mula P268.4 bilyon hanggang P296.3 bilyon; at agrikultura mula P132.2 bilyon hanggang P184.1 bilyon. RNT