UPAHANG KILLERS DAPAT PAGLALANSAGIN

UPAHANG KILLERS DAPAT PAGLALANSAGIN

March 8, 2023 @ 12:24 AM 2 weeks ago


UPAHAN o hired killers ba ang mga nangmasaker kina Negros Oriental Governor Roel Degamo at Aparri, Cagayan Rommel Alameda at nang-ambus kay Datu Ontawal, Maguindanao Mayor Ohto Montawal?

Tinatanong natin ito, mga Bro, sa harap ng kautusan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na hanapin at buwagin ng pulisya at militar ang mga private army at samsamin ang mga iligal na armas.

Siyempre, kaiba ang mga hired killer bilang problema kaysa private armies na nakikitang kasama lagi ng mga politiko.

Sa maraming pagkakataon, may mga iligal na armas ang mga private army pero walang kumukwestiyon sa mga ito kapag gumagala sila at kasama ang mga politiko na may escort pang pulis o militar.

Ipinalalagay na pawang ligal ang mga armas ng mga ito kaya naman walang checkpoint-checkpoint sa kanila.

Ang mga hired killer, karaniwang iligal ang kanilan mga armas o kung ligal man itinatago o itinapon ang mga ito.

Itong hired killers ang higit na delikado dahil hindi sila nakikitang kasama ng mga politiko at kumikilos nang sikreto.

Maaari ring umatake sila nang harap-harapan kung sa palagay nila, eh, walang mapapahamak sa kanila sa hanggang sa katapusan.

HIRED KILLER NA MGA PULIS, MILITAR

Kung nakatatakot ang mga sibilyan na upahan o hired killer, higit na nakatatakot ang kasalukuyan o dating mga pulis at militar.

Ito’y dahil sanay ang mga ito sa patayan at higit silang mas mabangis sa mga sibilyan.

At alam ng nagha-hire sa kanila na kung pumalpak ang halat, pupwede silang balikan nang mas magaling kaysa  sa mga sibilyan.

Isa pa, alam nila ang gagawin sa mga checkpoint at nakagagawa sila ng paraan na masopla nila ang mga pulis at militar na nagtse-checkpoint.

TANONG

Ang mga nangmasaker ba kina Gov. Degamo at VM Alameda at bigong tumumba kina Mayor Montawal upahan o hired killer?

O mga private army ng mga politiko?

Mahirap pa namang matukoy ang sa kaso ni Alameda dahil wala pang nahuhuli nina Cagayan Police Regional Office acting director, BGen. Percival Rumbaoa.

Subalit meron din ba kayang totoong pulis o militar na sangkot, aktibo man o wala na sa serbisyo, sa mga ito?

TUMUTUGA

Ang mga nahuling apat sa pumatay kina Gov. Degamo, kumakanta na umano.

Mabuti naman kung ganoon.

Pero dapat maingat ang pamahalaan sa mga ganitong sitwasyon.

Marami ang pagkakataon na sa huling mga sandali, tumatalikod ang mga ito sa kanilang mga testimonya.

Maraming rason ang mga umaatras na testigo gaya ng “pag-torture” umano sa kanila, hindi tamang paraan ng pag-aresto, hindi pagbibigay sa kanila ng mga tamang impormasyon ukol sa kanilang mga karapatan, kawalan ng abogado nang sila’y iniimbestigahan at iba pa.

Mag-abang na lang tayo sa susunod na mga kabanata.