UPDATE: 14 patay, 162 sugatan, sa tumamang 6.4 magnitude na lindol sa Indonesia

UPDATE: 14 patay, 162 sugatan, sa tumamang 6.4 magnitude na lindol sa Indonesia

July 30, 2018 @ 9:03 AM 4 years ago


 

Indonesia – Itinaas na sa 14 indibidwal ang namatay, 162 sugatan at libu-libong bahay ang nasira matapos yanigin ng 6.4 magnitude na lindol ang popular na tourist island ng Lombok sa Indonesia kahapon (July 29).

Tinamaan ng lindol ang Lombok dakong alas-6:45 ng umaga at may lalim na 4.35 miles (7 km).

Pinutol muna pansamantala ang kuryente sa pinakanapinsalang lugar, Sembalun.

Kabilang sa mga namatay ay ang 30-anyos na babaeng Malaysian na bumisita sa Mount Rinjani, popular na trekking destination, ayon kay Sutopo Purwo Nugroho, spokesman ng disaster mitigation agency.

Sinabi rin niya na ang lugar ay pansamantalang isinarado sa mga climbers dahil sa posibleng banta ng landslide. Daan-daang climbers ang lumikas sa Rinjani national park at 115 ang ligtas na nakababa.

“The most pressing needs now are medical personnel, stretchers, health equipment, kids wares and food,” sabi pa ni Nugroho.

Nagtayo ng mga emergency tent sa mga kalsada ng Sembalun upang gamutin ang mga taong nasugatan dahil malubhang nasira ang mga lokal na ospital habang ang mga nasa kritikal a kondisyon ay isinugod naman sa ibang kalapit na ospital.

Ang lindol na may lakas na 6.4 magnitude ay kinukonsiderang malakas at kayang magtala ng malaking pinsala.

Sa lupa lamang tumama ang lindol at hindi nag-trigger sa tsunami. Remate News Team