Manila, Philippines – Natagpuan sa karagatan ng Navotas ang bangkay ng isang binatilyong si Winlito Tercio y Rudas na nalunod habang ito ay naliligo sa Ilog ng Maysilo Tinajeros Malabon City noong nakaraang July 17, 2018.
Personal itong kinilala ni Anacleto Rugas, kamag-anak ng biktima sa Eusibio Funeral homes matapos dalhin ito ng mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) mula sa karagatan ng Barangay San Jose, Navotas City.
Matatandaan ang biktima ay nalunod matapos hindi na ito lumutang sa malalim na ilog habang naliligo makaraang tumalon sa tulay kasama ang mga kaibigan nito at kapatid kamakalawa ng hapon sa Malabon City.
Napag-alaman na ang biktima ay 15 anyos, Grade 10 student ng Hernandez National High School at residente ng Barangay Catmon sa nasabing lungsod.
Pasado ala-1:00 ng hapon, masayang naliligo ang biktima kasama ang mga kaibigan nito para maligo sa malalim na tubig ilog sa Maysilo Tinajeros.
Base sa salaysay ng saksi na si Nicole Dave Yu, 20, nagkatuwaan ang mga ito para tumalon sa tulay kasama ang nakakatandang kapatid ng biktima.
Matapos na tumalon, ilang minuto na ang lumipas ngunit hindi na nakitang lumutang pa ang biktima.
Dahil dito agad ipinaalam ng saksi sa Police Community Precinct (PCP 9), na agad namang nagsagawa ng search and rescue operation. (Roger Panizal)