UPDATE: Halos 40K dumagsa sa Manila North Cemetery

UPDATE: Halos 40K dumagsa sa Manila North Cemetery

November 1, 2022 @ 11:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pumalo na sa halos 40,000 ang mga nagtungo sa Manila North Cemetery (MNC) ngayong araw ng Undas, Nobyembre 1 batay sa crowd estimate ng Manila Police District (MPD).

Bagamat masama ang lagay ng panahon, patuloy pa rin naman ang pagdagsa ng mga tao.

Gayunman, marami pa rin ang makukulit sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng Manila local government unit at pulisya na huwag magsama ng mga bata na edad 12 pababa na walang vaccination cards.

Marami rin ang nakumpiskahan ng mga pabango, sigarilyo, lighter dahil mahigpit itong ipinagbabawal.

Nagpaalala naman si MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, maiging planuhin ang oras ng pagpunta sa Manila North Cemetery dahil bukod sa pabago-bago ang lagay ng panahon ay magkakaroon ng cut-off bago mag-5:00 ng hapon.

Tuloy-tuloy naman ang pag-iikot ng mga otoridad sa loob at labas ng sementeryo kasabay na rin ng agarang paglilinis ng mga tauhan ng Manila Department of Public Service at MMDA para masigurong walang anumang basura ang maiiwan.

Sa ngayon, panaka-naka pa rin ang buhos ng ulan sa sementeryo at inaasahan na mamayang hapon ay mas lalo pang dadagsa ang mga tutungo rito. Jocelyn Tabangcura-Domenden