UPDATE: Higit 5.8K bumisita na sa MNC ngayong umaga, Nobyembre 1

UPDATE: Higit 5.8K bumisita na sa MNC ngayong umaga, Nobyembre 1

November 1, 2022 @ 9:10 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakipag-ugnayan ngayon ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa Manila Police District (MPD) at mga force multipliers para sa mas mahigpit at dobleng pagbabantay sa sementeryo ngayong Nobyembre 1.

Ito ay dahil sa inaasahan ng pagdagsa ng mga tao lalo pa’t marami rin ang napagsarhan ng gate kahapon, araw ng Lunes.

Nabatid na kahapon, Oktubre 31 ay pumalo lamang sa 42,422 ang bilang ng mga nagtungo sa Manila North Cemetery kung saan na inaasahang aabot sa isang milyon ang bibisita ngayong araw mismo ng Undas.

Mahigpit na paalala ng MNC at ng Manila LGU na huwag ng ipilit pang ipasok ang mga bata kung hindi ito fully vaccinated.

Bagamat hindi pa rin maganda ang panahon, marami ang maagang nagtungo sa Manila North Cemetery at sa huling ulat ngayong umaga ay nakapagtala na ang MPD ng nasa 5,815 bilang ng mga bumibisita.

Paalala naman ng pulisya, sarado ang ilang kalsada patungo sa Manila North Cemetery partikular na ang Dimasalang, Maceda, Retiro, Blumentritt at Aurora Boulevard.

Ngayong umaga sa lagay ng panahon sa Maynila ay nakararanas ng mga pag-ambon ngunit hindi ito naging hadlang sa dagsa ng mga taong nais bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Jocelyn Tabangcura-Domenden