UPDATE: Misencounter ng mga pulis at sundalo sa Samar, iimbestigahan!

UPDATE: Misencounter ng mga pulis at sundalo sa Samar, iimbestigahan!

June 25, 2018 @ 10:03 PM 4 years ago


UPDATE: Maglulunsad ng joint investigation ang Police Regional Office 8 at 8th Infantry Division ng Philippine Army patungkol sa nangyaring “misencounter” sa Villareal, Samar kung saan anim na pulis ang napatay.

 

Sa ipinalabas na pahayag ni Major General Raul Farnacio, commander ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, nakipag ugnayan na siya kay PRO-8 Director Chief Supt. Mariel Magaway sa gagawing masusing imbestigasyon sa madugong misencounter sa pagitan ng mga tauhan ng Charlie Company-87th Infantry Division at ng PNP-Regional Mobile Force Battalion 8.

“There was an unfortunate incident that transpired today (25June2018) where a platoon minus of Charlie Coy of 87IB that has been operating in the area for the last six (6) days had a chance-encounter with a PNP Unit operating also in the area of Villareal, Samar.” pahayag ni Farnacio.

Ayon kay Farnacio, nagsagawa na ang kanyang mga tauhan ng inisyal na assessment sa sitwasyon at sa nangyari para malaman kung may mga nangyaring pagkukulang na nauwi sa madugong engkuwentro.

Sinabi ni Farnacio na unang nagpaputok ang mga sundalo na nakaokupa sa mataas na lugar habang nasa 30 hanggang 50 metro ang lamang ang layo ng mga pulis na gumanti ng putok ilang sandali.

Giit pa ng opsiyal na ang lugar ng pinangyarihan ay napapalibutan ng mga matataas na halaman at puno kayat mahirap madetermina at makilala kung sino ang sinasagupa.

Maaari umanong napagkamalang mga rebelde ang mga pulis na dahilan ng misencounter.

Kaugnay nito ay nakiramay ang buong AFP sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing pulis at sinigurong papatawan ng karampatang parusa ang sinuman sa mapapatunayang nagkamali sa mga pangyayari para hindi na maulit pa ang kahalintulad na insidente. (Jeff Gallos)

Basahin ang pinakaunang detalye:
MISENCOUNTER: 6 pulis patay, 9 sugatan matapos ratratin ng mga sundalo sa Samar